Martes, Abril 24, 2012

Paglipat

Paglipat


Nakasimula na ang taong 1942. Nagbibigay ng mga punto sa pagninilay nilay si acting father master Fasy. Pumasok ang isang iskolastik na theologo, yumuko siya at may ibinulong kay father Fasy. Tumango ito at itinuloy ang mga punto na parang walang nangyari. Ang ibinulong sa kanya ng iskolastik ay na ang commander ng mga hapon sinisigawan ngayon si father Hurley at pinagsasasampal siya. 

Noong kinabukasan ikinuwento sa amin ni father Hurley ang nangyari. Tinawag siya ng commander at sinabi sa kanya na utos ng japanese imperial army na ibigay sa kanya ang lupa at mga gusali ng ateneo. Ang sagot niya ay na ang Santa sede sa roma ang may hawak sa lupa at gusali ng ateneo. At wala siyang tungkulin na ibigay ito sa japanese imperial army. Ngayon nakita ni father Hurley na galit na galit ang commander at nangangamba siya na baka may gagawin sa kanya na makababasag sa kanyang salamin kaya't inalis niya ang salamin bilang prokteksyon nito. Akala yata ng commander na ang pagalis ng salamin ay isang paghamon sa labanan.Sinimulang niyang sampalin si father Hurley.

Noong kinukwento sa amin ni father Hurley ang nangyari sinabi niya na hindi niya itinaas ang kanyang kamay bilang pagdepensa sa kanyang sarili pero kanyang itinaas taas ang kanyang mga balikat upang makasangga sa mga sampal kahit kaonti lamang. pero paulit-ulit na sinasabi niya na wala siyang authoridad na ibigay ang ateneo sa imperial army at paulit-ulit na sinabi niya na ang ginagawa ng commander ay labag sa international law.

Ito ay isa lamang insidente sa mahabang panahon na pagtatangka ng Japanese imperial army na kunin ang ateneo. At palaging hinaharap  ni father Hurley ang kanilang mabagsik na karahasan sa isang banayag at matibay na paninindgan sa kaayusan ng batas. At nakakahanga na dahil dito nagkaroon kami ng ilang mga buwan na isang uri ng katahimikan. Kung sinasabi ko na isang uri, ako ay gumagamit ng ironia. At noong dumating ang Hunyo 1943, basta sinabi sa amin ng Japanese imperial army na meron silang awtoridad na angkinin ang ateneo. Gagamitin nila ang principal na gusali pero hindi nila gagamitin ang mga bungalow na kinaroroonan ng mga laboratoryo, at hindi rin nila gagamitin  ang magandang auditorium na malaon ng ginagamit ng mga heswita bilang kapilya. Kaya't ang mga komunidad na tinipon ng giyera ay ikinalat muli ng giyera. Ang mag iskolastik na theologo, tinanggap ng mga pari na vincentian sa kanilang seminaryo sa kalye San Marcelino. Meron namang mga theologo na tinanggap ng mga paring Agustino sa kanilang kumbento sa Intramuros. Ang mga seminarista ng San Jose Seminary ay nakahanap ng kanya kanyang titirahan habang umiiral ang giyera. Ang mga Heswitang Pilosopo ay gumawa ng kanilang sariling tahanan sa mga bungalow ng ateneo at patuloy nilang ginamit ang auditorium bilang kapilya. Ang mga nobisyo at mga juniors ay magkasamang lumipat sa La Ignaciana. Ito ay retreat house na ngayo'y naging nobisyado at juniorate. At kaming mga pumasok noong may 1941, ngayon na July 1943 ay sinimulan at pinatuloy ang aming juniorate sa La Ignaciana. Ito ay isang magandang gusali. Sa harapan niya ay ang kalsadang kalye herran, sa likod ay ang ilog pasig. Lahat ito ay nasa distrito ng Sta. Ana Maynila. 

Ngayon ipakikilala ko ang ilan sa aming mga guro sa juniorate. 

Si Joseph A. Mulry SJ ay isang mahabang panahon na teacher ng humanities sa Ateneo de Manila at itinuring kong isang pribilehiyo na maging estudyante niya sapagkat marami akong naririnig ukol sa kanyang trabaho para sa Social Justice. Madalas siyang pumupunta sa baryo kasama ng ilang mga estudyante na nagbibigay ng mga Conferencial ukol sa mga prinsipyo ni Pope Leo XIII rerum novarum at ni Pope Pius XI Quadragesimo Anno. Kung minsan gabi na kung siya bumalik galing sa baryo may mga kuwento ukol sa kanya at ang kanyang pagsagot sa mga manunuya. Isang gabi sinabi ng isang manunuya, nagpapanggap kayong Kristiyano, pero tingnan ninyo iyong matabang pari dyan, naninigarilyo siya, si kristo ay hindi naninigarilyo tugon ni father Mulry ,"Kung may sigarilyo noong panahon niya, tiyak naninigarilyo din siya". 

Kaming mga batang High school, masaya naming hinihintay ang pagdaan niya sapagkat hinahalungkat niya ang aming buhok.  Kung may pumada itinuturo niya ang kanyang hinlalaki sa lupa kung walang pumada itinuturo niya ang kanyang hinalalaki sa langit.

Kung ilalarawan ko siya bilang isang guro ng panitikan, ang unang makakatawag sa aking pansin ay marunong siyang magbasa. Binibigkas niya ang bawat kataga at tinitipon niya ang mga saknong na dapat itipon. Walang matunog na pagtaas ng boses ni nakakagulat na intonasyon. Lahat ay simple. Pero meron kang nararanasan na pakikipagtagpo sa mga taong buhay. Sa kanyang pagturo ang paguulit ay hindi nakakabagot. Ang karamihan sa amin ay napagaralan na ang macbeth at hamlet sa high school. Pero kung binasa sa iyo ni father mulry ay palaging bago. At naniniwala siya na  kailangan na may mga kayamanan ng panitikan na nakaimpok sa iyong alaala. Halimbawa ang climax ng kurso sa raetorica latina ay na bigkasin mo mula sa iyong alaala ang buong oratio na Pro Marcello. Papasok ka sa kanyang  kuwarto sasabihin mo, handa na po ako sa Pro Marcello. itututro niya ang silyang uupuan mo. Kukuha ng libro. Uupo siya. Bubuksan niya ang libro at magsisimula ka. " Diuturni silentii, patres conscripti, Quo ego eram his, temporibius usus". Hindi siya tumitingin sa iyo. Tumintingin lamang siya sa libro, minomonitor niya ag iyong alaala. Hindi ka tumitingin sa libro tumitingin ka lamang sa kanyang mukha. At kung sabihin niya sa katapusan na nagkaroon ka ng tatlong paltos pero maayos ang iyong pagtitipon sa mga kataga, ay masaya kana. 

Kung may nagtanong sa akin, ano bang natutunan mo kay father mulry ang sagot ko ay "minulat niya ako sa katotohanan na kaya kong magisip. At kaya kong pamulatan ang mga ibang tao na kaya nilang magisip. Kung may bagay na nakalilito kay father mulry, ang unang bagay na kanyang ginagawa ay tingnan ang bagay na nakalilito, tingnan ng masusi, tingnan uli. At kapag ibinahagi niya ang kanyang mga naunawaan, nadarama mo na kanyang pinaguusapan ang mga nakita niya at nakikita pa at nauudyukan ka rin na tumingin. Ang daigdig ng pagiisip ay  hindi daigdig ng paligsahan. Hindi isang paghahanap sa kung sino sa atin ang mas magaling magisip. Ang hinahanap ng tunay na pagiisip ay ang katotohanan . Ang daigdig ng pagiisip ay isang malawak at malalim na larangan na pinaglalakbayan ng mga taong naghahanap. Ang mga taong ito ay naghahanap sapagkat nakatuklas na sila; At alam nilang nakatuklas na sila sapagkat naghahanap pa sila. 







Lunes, Abril 16, 2012

Isang Uring Katahimikan

Isang Uring Katahimikan

Ngayon nasimulan na namin ang aming paninirahan sa gusali ng ateneo sa Padre Faura at nasimulan na rin ng mga hapon ang kanilang pagsakop sa pilipinas. Nagkaroon kami ng isang uring katahimikan. Parang napagod ang mga tao sa labanan at nagpahinga sandali. Kahit na maraming lihim na paghahanda para sa patuloy ng labanan. Nakasara ang lahat ng mga kurso sa ateneo pero ginagamit namin ang mga silid nito. Naroroon ang mga kurso sa theolohiya ng mga heswitang nasa regency nung nagsimula ang giyera. At ng mga seminaristang mayor ng san jose seminary. at naroroon din  ang mga heswitang nanggaling sa novaliches. Ang bawat seksyon ay kung minsan gumagawa ng palabas para sa ikalulugod ng lahat. Ang mga heswitang theologo kung minsan nagpapalabas ng mga full length drama. pinalabas nila ang isang broadway play, the chance of a lifetime. May isang pagkakataon na ang isang skolastik na ang pangalan ay Horacio de la Costa ay lumikha ng isang full length  detective drama na ang pamagat ay FIESTA. Ito ay isang drama na taglay ang lahat; Filipino Bario fiesta, missing intellegent animals,  American detctives. Filino brush bands. Dito lumabas ang sikat na talumpati, The Jewels of the Pauper. Doon din unang narinig ang awit na "prayer to Saint Robert Bellarmine". Lyrics ni Brother Reuter at musika ni brother marasigan. Sa ibang okasyon, ang mga seminarista mayor ng San jose seminary sa pamumuno ni father emilio Azarraga ay nagtanghal ng isang makaheograpiyang paglakbay sa banal na lupain ng bibliya. Lahat ito ay ginawa nila sa wikang latin.  Meron silang ginawa na isang detelyado at malinaw na mapa. Pagkatapos ng pagtanghal ibinigay nila ang mapa sa mga nobisyong Heswita. Kaming mga nobisyong heswita ay nagtuturo ng katesismo sa cathedral ng Maynila. Tuwing linggo, tinatawid namin ang luneta, pumapasok kami sa isang puwang sa muralya. Dumadaan kami sa tagiliran ng simbahan ng San Agustin at pumapasok kami sa pinto na nasa likod ng cathedral. Doon nakikipagtagpo kami sa mga bata ng Intramuros at pinagsisikapan naming ihanda sila para sa primera kumonyon. Malaking okasyon nung kanilang tininaggap sa unang beses ang katawan at dugo, kaluluwa at pagkadiyos ni kristo. Inimbita namin si Father Kennaly. 
Nung magpapasko na, nakita ko ang isang bata na nagtatago sa likod ng isang kampana na nakataob sa gilid ng cathedral marahil nahulog doon noong huling malaking lindol na sa panahong iyon naalala bilang ang lindol ng 1883. Tinanong ko sa kanya anong ginagawa mo jan? Sagot niya, "Ag lemlemmeng ak". Ilokano pala siya. Kaya nagkaroon kami ng maligayang pakikitagpo. Dumaan ang isang tao na may daladalang isang manila envelope na punong puno ng kwartang papel na uso ng panahon ng mga hapon. Binigyan niya ng kwartang papel ang bawat bata. Ang kanyang kilos at anyo ay mabait at natuwa ang mga bata. Sabi ng isang nobisyo, na iyong taong iyon ay ama yata ni brother marasigan. Nagmaligayang pasko kami lahat sa isat isa at umuwi kami sa ateneo sa Padre Faura. Ito ang aming ikalwang pasko sa kapisanan ni Hesus. Noong alas dose, nagising ako sa kampana ng paggising. Dala ng pagod at tuwa, hindi ko na narinig ang mga anghel, pero kay lalim ng biyaya ng diyos sa amin. 
Sa panahong ito ginagamit namin ang liturhiyang latin. at akala ko na kay ganda ng pagkanta ng mga heswitang theologo. Sa pasko: rorate caeli desuper et nubes pluant justun.Sa mahal na araw: Jerusalem, Jerusalem, Convertere Ad Dominum Deum tuun. Noong dumating ang mayo 31, 1943 sinumpa namin sa panginoon ang habang buhay na karukhaan, kalinisan at pagtalima sa katapatan kay Hesus sa kapisanan ni Hesus.  


 per IESU CHRISTI sanguinem peto suppliceter, ut hoc holocaustum in ododorem suavitatis admittere digners;

Miyerkules, Abril 4, 2012

PAGBALIK NG DALAWANG TAUHAN

Pagbalik ng dalawang tauhan

Isang umaga sinabi ni father Fasy sa mga nobisyo nakarating sa atin ang isang komunikasyon ni Brother arbisu. Sabi niya : gawin ninyo ang lahat ng magagawa ninyo para sa ating mga sundalong nabihag sa Capaz tarlac.. Ganyan talaga ang ugali ni Brother Arbisu siya ay abalang-abala ukol sa iba at hindi iniisip ang kanyang sarili, nung binabalita sa amin ni Father fasy ang ukol kay brother Arbisu hindi niya sinasabi kung papanong nakarating sa amin ang kanyang komunikasyon. nalaman ko lamang ito pagkatapos ng maraming taon batay sa sinabi sa akin ni Father Gaa na kapwa secundi ko noon.

Ganito ang nangyari sinabi ni father facy kay father gaa meron tayong gagawin na medyo mapanganib. naglakad sila tungo sa kalye isaac peral pagdating nila sa isang bahagi ng kalsadang ito naglakad lakad sila na parang mga turistang tatanga tanga, hanggat napansin nila sa isang bintana na may club ng mga officiales na hapon at may isang bihag na kalbo at nagsisilbi sa kanila, yung kalbo ay si brother Arbisu kayat marahan  sila nagpatuloy maglakad napansin nila na si brother arbisu ay lumalapit sa bintana at may hinagis na bato na nakabalot sa papel pinulot nila ang bato at naglakad na walang paglingon lingon, sa isang lihin na lugar binasa nila ang nakasulat sa papel.at ganun namin natanggap ang komunikasyon ni brother arbisu.

Isang umaga noong september 19, 1942 malakas ang bulong-bulungan na nakabalik na daw si father canaly.. noong nagbigay ng kumpernesya si father fasy isa sa sinabi niya ay: kagabi may dumating na bisita na kilala nating lahat si father canaly ay nakarating galing palawan, magpapahinga sya ilang araw at itutuloy niya ang kanyang tungkuling bilang guro ng nobisyo.. noong nakapagpahinga na si father canaly bumalik sya sa kanyang dating trabaho at inistorya niya kung anong nangyari.

Noong sumiklab na ang giyera nakatanggap sya ng utos mula kay father hurley: bumalik ka sa maynila sa lalong madaling panahon natanaw ni father kennaly mula sa kanyang kwarto  sa cullion ang kaisa-isang barko, fortuna na makakapagdala sa kanya sa Luzon. Pero biglang may sumulpot na eroplano at inikot ang barko at nagpalagpak ng bomba at nalubog ang fortuna, kaya't kailangan niyang  magisip ng paraan kung paano sya makakarating ng maynila may isang pangkat ng mga tao na may planong pumaroon sa maynila na nakasakay sa isang paraw kaya nakisama siya sa kanila itoy isang maliit na barko nagkaroon ng isang mabagsik na unos at lahat ng mga tao sa paraw ay natatakot at makakarinig ka raw ng mga dasal at awit sa maraming wika pero nakarating silang ligtas sa batangas, si fr.kennaly ay nagpahinga sandali nakaupo sa silya sa daungan nakasuot pantalon at barong cockey pero ang kaniyang mukha ay amerikanong amerikano may dumaan na sundalong hapon at nagtataka siya kung huhulihin siya pero nilampasan nila siya na parang hindi siya nakita pagkatapos nakakuha siya ng lugar sa isang bus na pumunta sa maynila at sa wakas nakarating siya sa ateneo sa padre faura sa maynila.

Noong November 5, 1942 ang mga nagtatrabaho sa ikalawang lamesa sa refectoryo ng nobisyado may nakitang isang bagong kandidato para sa nobisyado na kasama ng isang anghel itong bagong kandidato isang pinakahihintay na kandidato ito ay si teddy arbisu...mamaya-maya ay nagkaroon kami ng isang masigabong reunion ito ang kanyang pangalawang pagpasok sa kapisanan ni hesus, ang nauna ay naganap noong hunyo 1941.

Ang dami naming mga tanong

Noong ikaw ay nasa Bataan nakapatay ka ba ng tao? hindi pero nung minsan meron akong centri duty at kinailangan kong sitahin sa isang ingay na nanggagaling sa isang maliit na gubat, walang sumagot kaya nagpapaputok ako, kinabukasan nakita kong nakapatay ako ng kalabaw. at patuloy ang aming pagka nobisyo sa panahon ng digmaan.

Martes, Abril 3, 2012

Dalawang tauhan


                   Ngayon ilalahad natin ang nangyari sa dalawang tauhan sa ating pakikipagsapalaran. Ilalahad ko ito batay sa mga nakita ko pero ang malaking bahagi ay batay sa mga naring ko sa mga taong itinuring kong mapagkakatiwalaan, sa  panahon ng mga mismong pangyayaring ito.
Kung may gumawa ng roll call habang nanggyayare ang mga inistorya naten sa isang pagsabog, napansin sana niya na may dalawang kasapi natin sa nobisyado na wala doon ; Si father Kennaly at si Brother Teddy Arbisu. Anong nangyare sa kanila?
                   Si father Kennaly ay Guro ng mga Nobisyo, father Master ang tawag sa kanya. Katatapos lamang niyang magbigay ng direksyon sa aming tatlongpung araw ng espiritual na pagsasanay at pumunta siyang magbakasyon sa Culion Leper Colony, Palawan. Balak niya na magbakasyon ng isang buwan lamang pero wala pa siyang kalahating buwan doon noong sumiklab ang digmaan, papaano siya makakabalik sa maynila? Susulpot siya ulit sa ating storya pagdating ng September 1942 . Habang hinhintay natin na sumapit ang petsang iyon, ang father Socius na si father Fasy ang ating Guro ng mga nobisyo, ay acting farther master. Sino naman si Brother Teddy Arbisu? Siya ay isang katatapos lamang ng AB sa Ateneo de Manila College at lahat ng mga nakatatapos ng College ng panahong iyon ay may status ng reserved officer sa Philippine Army yayamang nakatapos sila ng ROTC ( Reserved Officer's Training Corps). Nakatanggap siya ng status reserved officer.Nakatanggap siya ng tawag ng army na dapat siyang sumali sa Manuevers ng army. ang Manuevers ay madalas tawagin na War Games ang ibig sabihin ay pagsasanay sa giyera sa panahon ng walang giyera. Sabi ni father Hurley dapat may nagkamali sapagkat ayon sa batas ng pilipnas ang sinumnag nagaaral na maging pari o ministro sa ano mang relihiyon ay hindi maaring tawaging sa serbisyo militar. Kaya't sumakay sila ni teddy sa eruplano patungo  sa Baguio na kinaroroonan ni presidente Quezon pero di pa sila nakakarating sa Baguio nung sinab i sa radyo  nang eruplano: may estado de gerra laban sa hapon lahat ng mga eruplano ay bababa sa pinakamalapit na paliparan. doon malalaman nila kung ano ang kanilang dapat gawin. Ang mga reserve officers ay dapat magreport sa kanilang unit. Sa madaling salita ang war games ay naging seryoso.. sabi ni teddy kay father harley na kailangang niyang magreport sa kanyang units sabi ni father harley kay teddy kung  makaahon kang buhay sa digmaan ipinangangako ko sayo na tatanggapin ka ulit sa kapisanan ni hesus. At kaya nga babalik si teddy sa ating pakikipagsapalaran.  

Manigong bagong taon

may bahagi ng ateneo sa kalye padre faura na itinalaga para sa mga nobisyo ito ay nasa ikatlong palapag inakyat namin ito noong december 26 1941, at kaagad natanaw namin na sinusunog ng mga amerikano ang mga dambuhalang drum ng langis sa pandacan tuwing pumapasok ang apoy sa bagong drum may malakas kang maririnig na pagsabog tapos maririrnig mo ang mga pira piraso ng bakal na drum na parang umuulan sa pandacan sa gabi makikita ang apoy na mataas at malawak at namumula kagaya ng mga larawan ng impyerno na nililikha ng mga pintor. sa araw ang sunog ay  isang maitim na ulap na nagsasabog ng ulan na aseyte. ang maynila ay malungkot at nangangamba alam namin na dadating ang mga hapon pero hindi namin alam ang gagawin nila. ang weather beareu ng gobyerno ng maynila ay pinangangasiwaan ng mga heswita at ang mga opisina nila ay nasa ateneo de manila kaya nagtataka kami kung ano ang gagawin nila sa ateneo de manila.

hnihintay namin ang pagdating ng mga hapon pero patuloy ang buhay heswita noong december 31 1941 kinanta namin ang Te Deum bilang pagpapasalamat sa diyos para sa mga grasya ng nakaraang taon In te Domine Speravi Non Cunfundar in iternum. sa iyo panginoon umaasa ako hindi ako mapapahiya kailanman.

Malapit ang lugar ng mga nobisyo sa opisina ng weather beareu, noong hatinggabi ng bagong taon narinig namin ang yabag ng mga sapatos'sundalo na umaakyat sa hagdan ng weather beareu walang gumalaw sa kaniyang pagkahiga, walang nagsindi ng ilaw, walang lumabas upang kausapin ang sundalo kung sundalo nga sila siguro mga kinse minutos naririrnig parin namin ang militar na yabag ng mga sapatos"sundalo, nung kinabukasan nagising kami sa isang maynila na sinasakop ng military police ng mga hapon. ang buhay namin ay maraming libel. sa isang banada sinusundan namin ang mga pangyayari sa giyera ayon sa radyo ng mga alyada ito ay patago at kung mahuhuli kang nakikinig sa mga ganitong radyo may parusa, sa ibang banda kailangan naming sundan ang mga reglamento ng pangangasiwa sa siyudad ng mga hapon sa ibang banda maaring may mga lihim at tuluyang komunikasyon sa mga lihim na submarino ng mga amerikano halimbawa may isang iskolastik na naglalakad sa maynila meron siyang nasalubong na gerilyero nagbigay sa kanya ng isang naka tiklop-tiklop na papel at sinabi sa kanya basahin mo ito at sirain mo binasa niya tapos kinain niya, pero importante sa lahat na idinidiin nila sa amin ay na kami ay mga nobisyong heswita at trabaho namin ang pagsikapang maging tunay na kasama ni hesus at anak ni san ignacio. kaya patuloy ang pag aatupag na pag alalay sa mga layunin ng kapisanan ni hesus at pag aatupag sa mga pagsusulat ng mga salita ng diyos pagtuturo ng katesismo pagtulong sa kapwa batay sa pagkakataon at pati sa pag aaral ng griyego at latin at pagtanim ng pechay at kamote.. ang huling fil-american troops ay pinatitibay ang kanilang huling balwarte sa bataan at coregidor at ang mga hapon ay nagsisiga upang durugin sila, madalas may mga sikretong komunikasyon ukol sa labanan na nagaganap halimbawa narinig namin na si teddy arvisu ay nakatanggap ng isang citation sa kanyang pananatili sa isang himpilang mapanganib beyond the call of duty kung minsan naririnig namin hanggang sa maynila ang tunog ng labanan, pero isang gabi nagkaroon ng isang malakas na lindol. at ang lugar ng mga nobisyo sa ateneo ay may malaking kampana sa lakas ng lindol tumutunog ang kampana patakbo kaming bumaba ng naka yapak pero nakita namin si fr.joseph kerr na lumabas sa kaniyang kwarto at nagbigay ng absolution ego vost absolvo peccatis vestris lumuhod kami upang tanggapin ang kapatawarn ng aming mga kasalanan bago kami patuloy na tumakbo. patuloy ang paglaban ng mga tropang fil-american sa bataan at coregidor at patuloy ang pag atupag ng mga hapon upang durugin sila at sa wakas kailangan nilang sumuko at nagtiis sila sa deathmarch na ang mga bilanggo sa giyera ay pinalakad simula sa bataan hanngang sa capas tarlac.

noong june 11 1942 pinapunta ni fr.facy ang tatlong nobisyo sa novaliches. Kaming tatlo ay kasisimula lamang na maging secundi. Sumakay kami sa tranvia hanggang sa blumentrit, caloocan at mula doon nakiusap kami sa isang kutsero kung maari niyang isakay kami hanggang sa novaliches at pagkatapos hanggang sa pagbalik namin sa maynila. bata siya dise siyete anyos kasing edad ko lamang at kaya nga nangahas siyang pumayag na dalhin kami sa novaliches at ibalik kami sa maynila pagdating namin sa novaliches nakita namin na may mga taong nagtatago doon, mga taong nanggaling sa bataan at nakatakas sa mga hapon naroon si fr.carasig na itinalaga ng mga hapon na maging direktor ng weather beaureu pero hindi nila mahanapan. hindi nila alam kung nasaan siya, ngayon alam na namin pero wala kaming imik, pumunta kami sa library at nanguha ng mga libro, sa aming pananghalian ang panghimagas ay iyong mga pinyang itinanim namin sa oras ng laborandum pagkatapos bumalik kami sa maynila at dumating kami sa kalye padre faura sa dapit hapon.

PATULOY ANG PASKO

Patuloy ang Pasko 


Ang sinaunang gusali ng Ateneo Municipal de Manila ay nasa Intramuros. Nasunog ito noong 1932 at ang ateneo de manila ay lumipat sa isang katipunan ng mga gusali sa kalye Padre Faura. 

Noong 1939 inayos nila iyong mga labi ng nawasak na ateneo sa intramuros at ginawang bagong tahanan ng Ateneo Grade School. Kayat masasabi na hindi nalimutan ang sinaunang pugad ng ateneo. 

Ngayon sa Pasko ng 1941 nakasakay kami sa blue eagle bus na ang driver ay isang iskolastik na pilosopo na si brother Mike Cashman patungo sa ateneo grade school sa intramuros. Pagpasok namin sa maynila naalaala ko na nagpaalam ako sa maynila noong nakaraang mayo. Hindi ko akalain noon na ang unang pagbalik ko sa maynila ay magiging dahil sa mabagsik na pangangailangan ng giyera. Dumaan kami sa harapan ng post office at nakita namin na maraming patung patong na supot ng buhangin ( sand bags ). Pumasok kami sa intramuros at nakarating kami sa ateneo grade school na meron ding patung patong na supot ng buhangin. sa tabi ng mga sandbags may isang sundalong amerikano na nagsesentri duty tinanong sa kanya ni bro.cashman kung saan kami maaring dumaan napansin ko na nakakatuwang pakinggan silang mag salita. nagkakaintindihan sila, amerikano sa amerikano tumuloy kami sa grade school. Doon nakipagtagpo kami sa mga junior at pilosopo.

Sinabi ng junior at pilosopo na lumakad sila sa alas kuwatro ng madaling araw kasama ng mga seminarista na kumakanta ng hail san jose patungo sa bayan ng novaliches, pero di pa sila nakakarating sa bayan ng Novaliches nung dumating ang maraming trak ng Philippine Army na inalukan sila na dadalhin sila sa anumang lugar na pupuntahan nila. At kaya nga nakarating sila sa intramuros ng nakasakay sa trak ng Army. Iyong mga seminarista ay dinala din naman sa kanilang pupuntahan.

Sinabi sa amin na maaari kaming matulog sa sahig ng silid paaralan sa unang palapag. Mapanganib pa rin ang pangalawang palapag. Bago kami matulog binigyan kami ni father Cullum ng mga punto para sa pagninilay nilay namin sa kinabukasan. Ginamit niya ang Teksto ng psalmista, Quare Fremuerunt Gentes Et populi Meditatisunt Inania. Bakit umangal ang mga bayan at nagbalak ang mga bansa ng katangahan. Sabi niya "hindi natin alam kung ano ang mangyayari at nangangamba tayo para sa ating mismong buhay. Kapag naririnig natin ang ugong ng mga eroplano, mahirap makita na lahat ito ay Inania. At medyo nanginig ang boses niya. Napatawa kami. Humiga kami sa sahig. Meron akong narinig na pambihirang huni. Hawig sa huni ng tangkay ng latigo ng kutsero kapag sinayad niya sa mga ehe ng malaking gulong ng kanyang kalesa. ratatatatatatat! ratatatatatatat! Pero sino kaya ang magkakalesa habang may air raid sa hating gabi. Biglang naintindihan ko kung ano ang aking naririnig. Naalala ko na sa europa may mga bombang may sipol sa buntot at pag nahuhulog ang bomba sabay sumisipol. At ang mga tao ay nababagabag, tinatawag itong psychological warfare. Ngayon ang ginagawa sa amin ng mga hapon ay naglalagay ng ratatatatatat sa buntot ng mga bomba nila at sina-psychology kami. 

Pero kaming nasa isang silid paaralan ay may ibang problema. Si brother Lopez ay hirap na Hirap sa mga lamok. Sabi niya "itong mga lamok na ito, itong mga lamok na ito ay mas masama pa kesa sa mga eroplanong taglay ang mga bomba. Si brother Lagutin naman. may remedyo. tinanong niya "meron bang gustong gumamit ng alkohol?". 

Sumilip ako sa bintana at nakita ko na may sumulpot na apoy malapit sa aming kinaroroonan. Mamaya maya tumigil ang kanyang pagliyab at ako'y humiga na pero sa dilim tumama ang akin ang ulo ni brother Malasmas. "Ano un?" tanong niya. "ulo ko" sabi ko. 

Umaga na,  bagong liwanag bagong pag-asa ngunit ang sumalubong sa amin ay si father Mc Cullough, meron siyang bagong balita. "wala na ang Hongkong nasakop na sila ng mga hapon". Meron kaming isang Secundi na taga Hongkong si Bro.francis chan. Bigla siyang napaiyak. Walang huni ang kanyang pagtangis pero nakikita mo na mapait ang kanyang luha. 

Nakita ni brother andaya ang mga laundry bag na nakabunton sa may pintuan at malungkot niyang sinabi  ;ay inania.

Ngayon dumating sa amin ang isang bagong utos. Pumaron kayo sa ateneo sa Padre Faura. Kaya sinulong namin sa aming balikat ang aming laundry bag. ang isang pangkat ay dumaan sa harapan ng simbahan ng lourdes, maraming mga sundalo at marinong amerikano lumapit ang isa kay bro.arevalo at sinabi sa kanya "sa aming bayan ang kapatid kong bunso ay kamukhang kamukha mo".  ang aming pangkat naman ay lumabas sa isang pultahang bakal ng muralya. At nakita namin na nasa bonifacio drive kami. May malalaking puno ng palma real. Biglang dumating ang isang pulutong ng mga eroplanong hapon at parang gusto nilang i-strafe kami. Kaya dumapa kami sa silong ng palma real na alam namin na hindi makapagbibigay sa amin ng kanlungan pero wala kaming ibang mapuntahan. Ngunit umugong lamang ang mga eroplano at pagkatapos nawala. Tumayo kami at mabilis na nagsilakad lampas sa monumento ni Legazpi at Urdaneta lampas sa monumento ni jose rizal tuloy sa kalye florida tapos humantong kami sa ateneo na nasa padre faura. hanggang sa araw na iyon, ito ang kaisa isang ateneo na nakilala ko sapagkat high school lamang ang aking napagaralan sa ateneo. Pero madiin na bakas ang naiwan sa aking diwa. kahit noon masasabi ko na maari akong alisin sa ateneo pero hindi maalis ang ateneo sa akin. 


Linggo, Abril 1, 2012

MALIGAYANG PASKO



Ito ang mga lupon ng mga nasa Sacred Heart Novitiate, Novaliches. 2 taon; mga nobisyo. 2 taon; mga Junior. 3 taon; mga Pilosopo. Mayroon ding isang grupo ng mga seminarista ng San Jose Seminary kasama ng kanilang Rector si Father Cullum. Gabi ng December 24, 1941 si father Facy,  umupo sa silya at sinabi sa aming mga nobisyo nakatanggap tayo ng balita na ang mga hapon ay malapit na sa maynila. Pinroklama ng mga Amerikano na open city ang maynila,  ibig sabihin na wala silang gagawin para sa depensa ng maynila. Parang sinabi nila sa mga hapon, pumasok kayo sa maynila huwag ninyong sisirain ang anuman . Wala na kaming gagawin upang ipagtanggol ang maynila.


Patuloy si father Facy;  ang desisyon ng mga superior ay: na lahat ng mga batang heswita na nasa Sacred Heart Novitiate ay pupunta sa maynila. Kaya't ngayong hating gabi, ipagdiriwang natin ng sunod sunod ang tatlong misa ng pasko. Pagkatapos ng maikling tulog, lalakad tayo sa alas kuwatro ng umaga para sa maynila. Maghanda kayo ng inyong kakailanganin sa isang laundry bag. Dalhin ninyo ang kailangan ninyo pero alalahanin ninyo na maglalakad tayo ng malayo. At sinabi niya sa amin na huwag namin kalilimutan sa aming buong buhay ang pag-ibig ng Diyos na piniling maipanganak sa isang sabsaban para sa amin. At sa katapusan, sinabi niya: sa tunay na kahulugan ng mga salita, maligayang Pasko! 

Bago maghating gabi, nagising kami sa huni ng mga kumakanta ng mga awit na pamasko. Ito pala ang sinasabi ng mga Secundi na may mga anghel na kakanta sa hating gabi ng pasko. Tumunog ang  kampana sa tapat na tapat sa kanta ng Fall on your knees. Bumangon kami, lumuhod at hinalikan ang sahig at idinipa ang mga kamay. Nagbihis kami at pumunta sa kapilya. Madilim ang lahat sapagkat bawal ang ilaw sa panahon ng giyera. Pero nararamdaman namin sa dilim si Maria, si Jose, at ang mga Pastol at ang mismong sanggol na sa mismong dilim ay nararamdaman namin ang kanyang liwanag. Kinanta namin ang Flos de Radice dat at nagtapos kami sa isang masigabong Adeste fideles. Ayon sa schedule dapat kaming magising sa alas kuwatro ng umaga pero noong nagising kami sa kampana noong umaga, naramdaman ko kaagad na lampas  na sa alas kuwatro. Narinig ko sa dilim ang boses ng brother Manu Ductor ( Francisco Lopez ) :  ang oras ngayon ay alas singko. Magbihis kayo at pumunta tayo sa chapel at pagkatapos ng bisita ay sasabihin sa ating kung ano ang ating schedule ngayon. 

Sinabi sa amin ni father Facy na ang mga junior, pilosopo at mga seminarista ng mga San Jose ay sinimulan ang kanilang lakad para sa maynila ng alas kuwatro. Pero hiniling niya sa ateneo kung maari niyang ipagamit sa mga nobisyo ang kaisa isang blue eagle bus. Palibhasa ay ito ang aming unang pasko sa kapisanan, pumayag ang ateneo pero sabi nila na hindi sila sigurado kung anong oras makakarating ang blue eagle bus sa nobisyado. Kaya't ito ang ating gagawin, Susundan natin ang schedule para sa pista pero kung marinig natin ang kampana hihinto tayo kung ano man ang ating ginagawa at kukunin ang ating laundry bag at sasakay tayo sa bus.

Nasundan namin ang schedule at nakaabot kami sa Christmas Dinner. Nakakain kami ng ice cream, chocolate flavor. Noong kami'y nagsisiyesta, tumunog ang kampana, nagsuot kami ng sutana, kinuha ang aming laundry bag at sumakay kami sa bus. At nakita namin na palayo ng palayo na kami sa aming nobisyado.