Sabado, Hunyo 23, 2012

Sa Katapusan Ng Bagong Simula Parin

Ibinahagi ko sa mambabasa ang ilan sa mga pangyayaring sa unang apat na taon ng aking pagkaheswita. Ito ang katapusan ng unang pamamahagi. At kung ibig ng diyos ibabahagi ko pa ang ilan sa mga pangyayari sa mga karugtong na mga taon. Pero bago ko simulan ito kailangan kong magbigay ng magandang alaala ukol sa katapusan. Ayon sa kasabihan ni HUSSERL na " akoy laging nagsisimula."
Noong naging mabagsik ang labanan sa maynila nawaglit lahat ng klase. pero natapos din ang labanan at kinailangan magkaroon ng balik-aral o review upang magkaroon kami ng examination. sapagkat ang mga heswita ay dapat magbigay ng ebidensya na nagaaral sila kahit na may giyera. at natuwa kami na magkakroon kami ng mga klase ng balik aral sa pamumuno ni Horacio. Ito ay taon ng Poietike, salitang griyego. poetika sa latin. maaring isalin, " daigdig ng mga makata." Pero mas malapit sa ugat ng kahulugan ng katagang poetike na sabihin na ang poetike ay ang daigdig ng mga manggagawa. Sapagkat ang makata o poietes ay isang mangagagwa. gumagawa sya ng mga magagandang salita. Pero ang salitang maganda na tinutukoy dito ay hindi mga mistulang matutunog na salita. Sa griyego ang magandang salita ay ang salita na bumubuhay sa nakikinig ang isang malalim na karanasan sa katotohanan. Ingles at latin ang ginagamit ni Horacio pero maliwanag na, sa kanya, ang daigdig ng mga makata ay  sinasakop ang lahat ng  wika. Na ang tula ay bunga ng malalim na pagpasok, pagtanggap, at ligaya sa talagang totoo, kailangan lamang ang matinding pagkagising.Latin man o ingles ang binabasa, hindi nakukulong sa mga letra ng libro. Nabubuhay ang mga letra at mga kataga at mga berso sa galing ng pagpapamulat ni Horacio. Dahil sa kanya, ang pumapaligid sa amin na katotohanan ay aming mas matinding nagigisnan.
May nagsabi na  ang paggamit sa pilpino sa mga klase ng ateneo ay bago pero naninindigan ako na ito ay bago at luma. Luma sapagkat ang mga nagigisnan ng tao sa katotohanan ay palaging nabubuhay kaya hindi masasabi "bago" kung hindi sinasabayan ng salitang "noong araw ganyan narin" at lalong mabuti sabihin na ang malalim na katotohanan ay hindi kailangan sabihn na bago o luma sapagkat ang totoo ay palaging bago at luma. Ayon sa sinabi ni San Agustin "O pagibig palaging sinauna at palaging sariwa kay bagal kong nahanapan ka."

Ang ginawa ni Horacio na materyal para sa huling examination namin sa juniorate ay isang listahan ng mga thesis ukol sa maganda at meron batay sa libro ni Maritain ART et scholastique.  Sa kathang ito ang makata ay lumalabas na isang mangagagwa ng salitang buhay na maaring magbuhay sa mga nakikinig at tumatangkilik ng isang mas buhay na pagdanas sa katotohanan. ibig ko sabihin ay na noong akoy nagsimulang magsulat sa filipino, napansin ko, na ang mga katagang filipino ay tumatalima sa aking ballpen ayon sa parehong prinsipyo, na ang mga katagang griyego ay tumatalima sa pluma ni Demosthenes.
Noong natapos na ang examination nagkaroon ng isang surpresa ang mga superiors para sa aming mga batang heswita binigyan nila kami ng dalawang linggong bakasyon sa isang maliit na baranggay sa Pampanga. Mahabang panahon na nakatira kami sa siyudad ng maynila, at ngayon magkakaroon kami ng dalawang linggong sa isang lubusan na patag na lupain. Dumaan kami sa mga bukid at kaparangan, sa mga sapa, at sa wakas nakarating kami sa isang malawak na ilog. Tumawid kami sa ilog at nakarating kami sa dalawang bahay kubo na titirahan namin sa dalawang linggo. Ang namumuno sa unang bahay kubo ay si Fr. Priestner, at ang namumuno sa ikalawang bahay kubo ay si Fr. Coffey.  Dala-dala namin ang aming mga banig unan at kumot, palayok, kaldero, plato, kubyertos at mga libro.

Kay sarap lumakad sa kaparangan. Kahit na gano kalayo ka lumakad patag pa din ang lupa.
At syempre namamangka kami at lumalangoy sa ilog. Isang gabi may mga magsasaka na dumalaw sa amin. Alalahanin mo, mambabasa, walang kuryente noon at ang ilaw namin ay kung minsan ay kandila kung minsan ay alitaptap at kung minsan ay buwan na malabo.. May kasamang silang bata, yung bata ay may mataas na boses. Tatawagin sya ngayon na Boy Suprano pero tinatawag syang tiple noon. Kinanta niya ang "kahit na gabing madilim sa libis ng nayon" bagay na bagay ang kanta sa aming kinaroroonan tapos meron syang kinanta na ballad ukol sa mga pilipino na lumalaban sa Bataan na natatalo, pero hindi nasisiraan ng loob. Tapos, may isang kanta na martsang masigasig at may nagsabi na kanta yun ng mga HUK.

Isang araw may isang  amerikanong catholic chaplain na dumalaw samin. At sabi niya na sa kanyang bayan ang ilog ay mas malawak kaysa sa ilog ng pampanga pagkatpos ng uuwi na sya sa kanyang unit sabi niya babalik ako sa chivitas de solata, yan ang tawag nya sa Maynila :isang lungsod na tigib sa tao noong araw pero ngayon wasak na  wasak at walang katao-tao.

Isang gabi naman may ilang mga juniors na binalak magkaroon ng kwentuhan ng mga  multo. Nagtipon sila sa isang sulok ng kaparangan at tinatakot nila ang isat-isa sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga nakasisindak na kwento hangat sila'y nanginginig sa takot. Meron namang ibang mga juniors na binalak na patindihin ang takot ng mga kwentista sa pamumuno no Bro. Joe Blanco nagsuot multo sila sa pamamagitan ng mga kumot. Noong yung mga kwentista tumahak sa karinglan, sinalubong sila ng mga multo... at kay sarap ng kanilang pagloloko sa isat-isa. At nagkaroon kami ng santakrus de mayo na si Pats CEbayus ay si haring Konstantino. wala kaming reyna elena pero nagimbento kami ng isang kabalyerong tumulong kay reyna elena, ang brother na gumanap ng papel na ito ay si Bro. Eskaler.
Meron din kmaing isang peryodiko ng aming baksyon ang pangalan ay KUKAPA ang editor ay si Wado perpekto at kinuha niya ang pangalan ng peryodiko sa kasabihan pampanggo, " Kekapa." ako ay assistant editor. pagkatapos ng 2 linggo umuwi kami sa cevitas de solata 



Lahat ito ay ginagawa namin sa panahon ng taginit, pero naliligo kami sa ilog at pagkatapos umaakyat kami s pampang ng ilog tungo sa isang bomba na nagbibigay ng masarap at malamig na tubig. 

Sa buong dalawang lingo namin doon maaliwalas ang langit at hindi umulan pero gabi-gabi nauulanan kami ng kagandahan ng mga bituwin. At naaalala ko... Malagipko.. na yung sulok ng sampalok na aking kinalakhan ay wala pang kuryente ng bata ako, pero gabi-gabi tinitingala ko ang mga bituwin at tinatanong ko kay mamang, "meron bang mga bata na nakatira doon? at nagtatanong din ba sila sa kanilang nanay kung may mga batang nakatira dito sa ating bituwin?" Sa pagkat akala ko noon at inaakala ko rin ata ngayon na ang lupa ay bituwin.

Nagpaalam kami sa pampanga at bumalik kami sa Chivitas de solata upang magsimula ng  bagong yugto sa aming buhay. pero Meron kaming baon :dalawang mensahe at isang tula.

Ang unang mensahe ay galing kay Msgr. Piani : alalahanin ninyo mga bata kong kaibigan na naghahanda kayong magpari. Ang pari ay palaging tumitingin sa Diyos na nagpapaligaya sa  kanyang kabataan. 

Intro ibo ad altare Dei.
Adeum qui Laitificat juven tutem meam

Kahit na gaano katanda ang pari yan ang kanyang sinisigaw sa simula ng bawat Misa : aakyat ako sa altar ng Diyos, sa Diyos  na nagpapaligaya sa aking kabataan. Sa pagkat ang pari ay namamahagi sa hindi maaring wasakin na kabataan ng Diyos.

Ang pangalawang mensahe ay galing kay Horacio dela Costa :Hinihiling namin sa kanya na magbigay siya ng komperensiyang espiritwal. Pumayag siya. Pinaalala niya sa amin na hinaharap pa namin ang mahabang disiplina ng pag-aaral ng Heswita. Sa lahat ng mga araling ito, anuman ang magiging linya ninyo, huwag ninyong makakalimutan, aniya, na si Kristo ay nasa lahat at palagi nating kasalamuha. Sapagkat sa simula ang salita, at Diyos ang salita, at kung wala ang salita ay walang malalalang sa mga nilalang. Ang Salita ay naging laman.. si Kristo ang Salita. Siya ang kasalamuha natin sa lahat-lahat. Palagi. Pupunin niya ng isda ang ating mga lambat, kung magtitiyaga tayong magdamag.. nangingisda parin kahit na walang nahuhuli. Gagawin niyang alak ang ating tubig, kung gigiray-giray tayong manggagaling sa balon... pasan-pasan ang tapayan na hindi medyo puno, kundi tigib sa tubig. papakainin niya ang nagsisiksikang madla kung ibabahagi natin ang lahat ng kaunting meron tayo. ang ating tinapay at dalawang isda at ang tula ay ang susunod na pambungad sa metapisika :

Noong nakapasok na siya sa pintuan
yumayapak siya
sa malawak na lupain
na palayo ng palayo ang mga hangganan
sinusukuban ng langit na pataas ng pataas ang tuktok
ang mga laylaya'y palayo ng palayo
sinisikatan ng sariwang araw ang kabuoan.

 sa katapusan ng bagong simula pa rin.

Sabado, Hunyo 16, 2012

PAGBABALIK

Maraming tao na lumabas sa maynila noong  naging malinaw na magkakaroon ng matinding labanan sa maynila at ngayon unti-unting natatapos ang labanan nagsisibalikan sila. at ang mga iskolastik na kung umuwi sa ibat-ibang bayan ay bumabalik sa mga bahay heswita, kung meron pa na hindi na giba sa labanan, upang ipatuloy ang kanilang pag-aaral sa pagpapari. at marami silang ikinuwento saamin ukol sa kanilang mga naranasan. ang mga iskolastik na pumunta sa baguio ay nagtiis ng hirap. ang mga tropang amerikano ay hindi pa maka akyat sa mga bulubundukin ng baguio at noong naranasan ng mga heswita ang napakatinding pag-bomba sa engineering hill binalak nilang maglakad papunta sa kapatagan ng lungsod nilakad nila at tinawid nila ang mga bundok mula sa siyudad ng baguio hanggang sa bayan ng tubao, la union. doon nakita nila ang mga amerikano na ang may hawak sa bayan at may mga 10wheelers na amerikano na pumupunta sa maynila. kaya't nag hitch hike sila, si fr.juan ledesma ang mga brother na sina joe blanco, benny mayo, george gorospe ay nakarating sa maynila sa dugtong dugtong na pag hitch hike nila sa mga 10wheelers. sabi  nila na palundag lundag ang mga 10wheelers at malikot ang byahe, pero nakarating sila sa maynila noong dumating sila sa la ignaciana ang balita sa mga peryodiko ay namatay na si pres.franklin delano roosevelt.

Si godoy alingal ay kasama sa mga iskolastik na pinamumunuan ni bro.hernando maceda (hindi pa siya pari noon pero malapit na ang kaniyang ordinasyon) pumunta sila sa tila, laguna isang bayan na maliit at tahimik, pero may inulat si bro.alingal na isang pangyayari na nakabagabag sa kaniya. ang mga girilyero at mga makapili(mga pilipinong pumanig sa mga hapon) ay nasa masidhing paglalabanan isang araw may mga girilyerong nagdala  sa plaza ng isang makapili na nakagapos ang mga kamay sa kaniyang likuran. tinanggal ang kaniyang gapos at, habang nakatutok ang isang baril sa kaniya katawan , binigyan siya ng isang pala at inutusan siyang maghukay ng kaniyang sariling libinggan.  pinaupo siya sa gilid ng hukay at may isang berdugo na tinutok ang kaniyang baril sa batok at pinaputok. ang kaniyang bangkay ay lumundag at nadapa sa kaniyang libingan na siyang humukay. noong ikinukuwento ito saakin ni bro.alingal. may takot at pagka bagabag sa kaniyang tinig at, kaawaan tayo ng diyos si fr.alingal ay pinatay ng isang asesino sa kibawe, bukidnon. noong abril 13 1981.

Si bro. Abrogina ay bumalik sa kanyang bayan upang hintayin na humupa ang gulo ng giyera. kasama niya ang kanayang kapatid na isang seminaristang diosesano naghahanda silang bumalik sa kanilang pagaaral magpari pagkatapos ng gulo. Pero hindi sila nakauwi. nagakaroon ng sona sa kanilang bayan. Ang sona ay isang paraan ng mga hapon na ginagamit nila upang mahuli ang mga lumalaban sa kanila. at madalas nasasangkot pati ang mga inosenteng tao. Ganyan nasagkot si Bro. Abregina at ang kanyang kapatid.

Mayroon naman kaming balita ukol sa mga heswitang amerikano na nasa Los, Banos concentration camp. sinagip sila ng isang pangkat ng mga amerikano na mga para troopers at amphibian tanks. Ang mga paratroopers ay mga sundalong nagaatake mula sa itaas sa pamamagitan ng mga parachute. At ang amphibian tanks ay mga tanke  na maaring lumakad sa tubig o sa lupa. Isang umaga na hndi nila akalain na may mangyayaring ganito,  ang hangin at ang lupa ay napuno ng mga sundalo.at banayad na piangsasabihan sila,  "sumakay kayo sa mga tangke, at aalis tayo dito."sumakay sila sa mga tanke na bumaba sa lawa ng Bay at tumahak ng landas na patungo sa ibayong mga lupain. nakaupo sila sa itaas ng mga tanke kasama ng  mga tropa na sumagip sa kanila at hanggang nagyon ay patuloy na nakikipagputukan sa mga hapon na ayaw mawalaan ng mga bilanggo. Dala-dala ni Fr. Cullum ang kanyang mga nota sa Moral Theology at nahulog ito sa tubig. Lumundag siya sa tubig at sinagip ang kanayng mga nota at mayroong mga sundalo na sumagip kay Fr. Cullum.  Dinala sila sa munting lupa sa isang bahagi ng bilangguan na ginawa nilang isang lugar ng pahingahan ng mga naging bilanggo sa concentration camp. Doon nagbigay sila ng balita sa mga heswitang nasa maynila. doon ko narinig na namatay na si Fr. Mulry. Sabi nila na masaya sya kahit na may sakit sya. At syay palaging nagbibigay loob sa mga nalulungkot. nakatingala palagi ang kanyang diwa.

Mayroon akong isang kaibigan na ang pangalan ay Manuel De leon. Taga San miguel de mayumo, Bulacan. isang maliit na bata, tsinito at mabait sa akin. Noong bagong pasok ako sa Ateneo, lumapit sya sa akin at kinaibigan ako. naging Boyscout kami at, kapag may camping, kami ay siempre nasa parehong tent. kapag hating gabi na, ginigising kami ng lamig na gumagapang sa lupa at ng tuko na may mahiwagang tinig.Sya din ang nagturo sa akin ukol sa pagtutuli.  Isa sa mga lugar na pinagcamping namin ay isang kaparanan na malapit sa Hinulugang taktak. Ito ay isang talon ng malinis na tubig noong panahon na yun.


Pero ngayon matatapos na ang giyera at wala akong nababalitaan ukol sa kanya. pero pagkatapos ng mga limang taon nabalitaan ko na nung nagwawala ang mga hapon sa Pasay may mga hapon na isat-isay pinapasok ang mga bahay ng mga mamamayan.. Nakadama si Manuel ng pangamba  kayat sinabi niya sa kanyang nanay at sa kanyang kapatid na babae, " huwag kayong gagalaw dito, ako ang haharap sa kanila." narinig nila na may pumuwersa sa kanilang  gate. lumabs si Manuel at hinarap ang mga sundalo walang sinabi ang mga sundalo kung di pinatalab sa kanya ang kanilang mga bayoneta.

Mayroon yatang pinaabot sa akin si Manuel kamakailan lamang, may isang heswitang amerikano na pinakita sa akin ang isang numero ng Guidon para sa June 1941. kapapasok lamang ng maraming Atenista sa nobisyano ng mga heswita. May litrato ng bawat estudyante pumasok.at may maikling istorya ukol sa kanya. may litrato ako pero hindi masabing kung sino ang nagsulat ng maikling istorya ukol sa akin. ang istorya ay ganito : Si Roque Ferriols ay isang mabuting kaibigan. Sya ay  filius Mariae. noong kami ay nasa highschool sa ateneo nagaaral kami ng latin at ugali ng maraming istudyante na haluan ng latin ang kanilang mga sulatin. Noong nabasa ko itong mga kataga ukol sa akin, naririnig ko ang tinig ni Manuel sya lamang ang makakasulat ng ganyan ukol sa akin. Hindi ko sinabi sa kanya na minamahal ko si Maria pero sya ang nadama niya ito kahit na hindi ko sinabi.  Maraming salamat Manuel..

May paring SBD na kaibigan ang aming pamilya sya ay isang misyonero sa Mindoro.Ang pangalan niya ay Benito Rixner.  noong unang nagisnan ko sya ay misyonero sa pulo ng Lubang.. Noong kuwan inilipat sya sa Pinamalayan minsan bawat taon pumupunta sya sa maynila at dinadalaw kami sa aming bahay sa Sampaloc. Ang aking mga kaptid na si Dadan, Piti, at Nene ay magtutugtog ng piano para sa kanya at pinatutugtog nila ako ng byolin. nagluluto kami ng cake para sa kanya. Isang paring simple mapagkumbaba at mappagkawang gawa magkkwento sya ukol sa kanyang trabaho bilang misyonero. napansin ko na kapag nabisita niya kami at kapag umuwi na sya sa kanyang misyon palging meron syang naiiwan na katahimikan at kapayapaan sa aming kalooban. Hindi ako nagtatanong sa kanya ukol sa mga SBD at hindi niya sinusubukan akitin ako na pumasok sa SBD. pero nung nasa 4th year na ako at nakaapply na ako sa mga heswita at natanggap na ako at hinihintay ko na lamng ang araw ng aking pagpasok sa mga heswita binisita kami ni Fr. Rixner at bago sya magpaalam isinasantabi niya ako at sianbi niya, " alam mo maari ka yatang maging mabuting heswita." tugon ko, " nagapply na ako at tingggap na ako at papasok ako sa Mayo 30." at lumigaya ang kanyang mukha.

Maraming tao ang nagpapasyal sa Avenida Rizal nagsisimula ng magising ang mga pamilihan at kalakalan sa kalsada na sentro ng buhay sa maynila ang mga tao nagsasalubungan ang mga kaibigan ay natutuwa at nagugulat kung meron silang makitang kaibigan palaging maririnig mo ang mga tao na sumusigaw sa isa-isa, " buhay ka pa salamat sa dyos." Ako ay isang batang heswita na malapit ng matapos ang juniorate titingin-tingin ako at tatanga-tanga sa avenida rizal. biglang nakita ko isang paring German na matagal kong hndi nakita at matagal ko ng hindi naalaala.  pero ngayon parang may liwanag na suminag sa akin " Fr. Rixner!" " Roque!" nag kamayan kami at halos sumasayaw kami sa Avenida Rizal noong umuwi na ako ay pati ngayon habang sinusulat ko ito meron akong nadarama ko na nagiwan sya sa akin ng biyaya ng  katahimikan at kapayapaan.

Huwebes, Hunyo 14, 2012

Tanghaling Tapat

     Isang umaga na walang ulap ang langit, pumunta kami sa Mandaluyong upang sumakay sa isang trak na papunta sa kalye San Marcelino. Ang nangangasiwa sa trak ay mga relihiyosong Vincentian. Si Bro. Araneta ay gustong tulungan sila. Ang trak ay dumadaan sa mga kalsada ng Maynila na nasakop na ng mga Amerikano. Pero sa kanilang pagsakop ay may naganap na matinding pagkawasak; mga bahay na walang atip at dingding at wala nang taong naninirahan doon. Nakarating kami sa kalye San Marcelino, sa simbahan ng mga paring Vincentian. At sa isang gusali na noong panahong iyon ay seminaryo nila ngunit sa mga huling araw ng giyera ay naging lugar ng mabagsik na labanan. Noong dumating kami doon nakikita namin na may mga tao na nagtatrabaho sa funeraria na inuupahan ng army ng mga Amerikano upang linisin ang gusali ng mga bangkay ng mga sundalong Hapon. Nakita namin na hinahagis nila ang mga bangkay sa bintana ng gusali, at nawawasak pag tama sa lupa. May mga taong pinapanuod ang ginagawang paghagis ng mga bangkay. At may sundalong Amerikano na pinagsasabihan sila: "lumayo kayo sa mga nahuhulog na bangkay: ang marami sa kanila ay may granada sa bulsa, at kapag nagkasagupaan na ang lupa at bangkay baka sumabog ang granada at masaktan kayo".
     Noong sumama ako sa pangkat patuloy sa San Marcelino hindi ko alam kung ano ang layunin ng aming pagpunta, at hanggang sa kami'y dumating doon ay hindi ko padin alam kung ano ang aming gagawin. Pero sinundan ko ang mga taong papunta sa isang direksyon at sabi ko sa loob loob ko ay siguro pupunta kami sa lugar ng aming trabaho. Patuloy kaming lumakad at tumigil sa esterong umaagos sa tabi ng gusali. May masangsang na amoy, amoy ng kamatayan. Yung estero ay marumi at hindi ko makilatis kung ano ang nasa estero. Nakatayo ako sa tabi ng estero kasama ang isang Bro. na heswita. Mayroon siyang tinuro na isang bagay na medyo nakalubog sa estero at sinabi niya "pari yon". Pagkatpos ay may isa pang bangkay. May sugat ito at sinabi ng aking katabi "tama iyan ng bala ng machine gun". Tinuro ng isang Vincentian ang isang bangkay na may nakasuot na bagong sapatos at sinabi niya na "iyan si bro. namin na nakatatanggap lamang ng isang regalo na bagong sapatos". At nakita kong may isang taong nakasutana na nakalubog sa estero at may mga ibang taong naka sutana din at matagal nang nakababad sa tubig. Noon lamang ako natauhan na may mga relihiyosong Vincentian na pinatayo at pinaharap sa estero. Sampu sila, minachine gun, at nahulog sila sa estero. Matagal na panahon bago dumating ang sapat na kapayapaan upang maharap ng mga tao ang malungkot na trabaho ng paglibing sa kanila. Agnas na ang kanilang mga katawan kaya't nang aming inililipat ang mga bangkay mula sa estero patungo sa wheelbarrow na magdadala sa mga bangkay sa isang hukay na nasa likod ng simbahan ng San Marcelino na nilagyan ng mga bato at pinatungan ng galvanized iron. Pagkatapos pinatungan ng banig sunod ang mga bangkay at sa huli ay tinabunan na ng lupa. Bilang saksi sa pagasa ng mga namatay kay Kristo na hinihintay sila ng buhay na walang hanggan. et expecto resurrectionem mortuorum et vitam venturi saeculim. Ang mga bangkay na naagnas na ay nagkaka pira piraso. Kung minsan hindi namin nakikita ung bangkay dahil natatakpan ng mga uod. Noong dumaan ang isang wheelbarrow na may taglay na isang bangkay bangkay, may narinig akong isang taong nagsabi na "yan si Fr. Fernandez" at naalala ko noong September 27, 1940, noong nagkaroon ang mga heswita ng celebrasyon ng pagpapasalamat sa ikaapat na daang taon mula sa ginawang kumpirmasyon ni Papa Pablo III sa kapisanan ni Hesus, nagkaroon ng tahimik pero maligayang celebrasyon ng pagpapasalamat ang mga heswita sa simbahin ni san ignacio sa intramuros. At ang mga Vincentians ay tinulungan ang mga heswita sa kanilang pagdiriwang. Si Fr. Fernandez, nagbigay ng isang sermon ng papuri kay san ignacio at sa kanyang pagtugon sa tawag ng grasya ng Diyos. At ngayong sa simula ng taong 1945 inililibing namin siya kasama ng kanyang mga kapatid sa kanilang kapisanan relihiyoso. Ito ang aming pagpapasalamat sa pagtulong ng mga Vincentians sa aming celebrasyon noong 1940.  May isang catholic chaplain ng American army na ginaganap ang magalang na pagtalaga sa mga patay sa awa ng butihing Diyos.
     Tanghaling tapat na ngayon at biglang nakarinig kami ng ugong ng maraming kulog. Tumingala kami at nakita namin na wala ni isang ulap sa langit. Nanggagaling ang ugong sa gawing silangan ng langit. Ito ang direksyon ng bayan ng marikina. Meron pang mga lungga ang mga hapon sa mga bulubundukin ng lambak ng marikina at kalooban ng mga amerikano na durugin ang mga ito upang masakop nila ang buong pulo ng lungsod. Kayat nagpadala sila ng sunod sunod na pangkat ng B25 na lumipad sa ibabaw ng marikina. Kapag nakapagbigay ng hudyat ang mga eroplanong namumuno sabay sabay na bumubukas ang mga tiyan ng B25 at sabay sabay nahuhulog ang mga bomba. Kapag nagsagupaan ang mga bomba sa lupa may ugong ng libo-libong kulog. 

Kailangan na naming umuwi sa La Ignaciana. Walang sasakyan at ang daan ay isang kalsada na magkabilang gilid ay may mga sunog na punong kahoy na walang dahon. Bata kami at naniniwala kami na malakas kami ngunit tao din kami at nauuhaw kami. Nakita namin ang isang Amerikanong sundalo na may malaking canteen na nakabitin sa kanyang balikat. Sabi ko kay Bro. Araneta, "maari bang makahingi tayo sa kanya ng tig-isang lagok ng tubig? isang lagok lamang ang bawat isa". akala ni Bro. Araneta na isang mabuting mungkahi iyon kaya't nilapitan niya ang sundalo at sinabi niyang "kami ay galing sa paglibing ng mga patay at  malayo ang aming lalakarin, maaari mo ba kaming bigyan ng isang lagok ng tubig  bawat isa?". akala rin ng Amerikano na isang mabuting mungkahi ito kaya't binigyan niya kami ng tig- isang lagok ng tubig, at dahil mainit din ang sikat ng araw ay mainit din ang laman na tubig ng canteen. Pero sa aming matinding uhaw ang tubig na galing sa mainit na canteen ay kay sarap! 

Sa wakas ay nakarating din kami sa La Ignaciana at noong naghuhubad kami sa tabi ng ilog dumaan si Fr. Selga at tinanong niya, "saan kayo nanggaling?". sabi namin, "galing kami sa paglibing ng sampung paring Vincentian". sabi ni Fr. Selga, "hindi pari silang lahat, meron ding mga brothers". ipagdasal natin sila. Nagdasal kami at pagkatapos lumundag sa ilog.




*4Y0

Martes, Hunyo 5, 2012

Mag hapon sa Singgalong

Maghapon sa Singgalong

Noong kuwan, nasakop na ng tropang amerikano ang Paco, ang San Andres bukid at singgalong. Pero kahit na dito sa mga lugar na ito naririnig namin ang mabagsik na labanan na nagaganap pa sa Ermita Malate at iba pa.... Ang problema naman sa mga lugar na nasakop na, ay kung papaano maililibing ang mga bangkay. May mga  nailibing na ng  kanilang mga pamilya, o kanilang mga kaibigan, o ng mga taong mapagkawang gawa. pero marami pa din ang nakakalat sa mga kalsada at sa mga loteng bakante. Humingi ng permiso ang mga juniors sa aming mga superiors na maglibing kami ng mga patay.  Tinatawag ang mga naglilibing sa mga bangkay na mga pangkat sa paglibing. ang  pangulo ng isang  pangkat ay si Bro. Araneta.  At ang namumuno sa ikalawang pangkat ay si Bro. Jaime Neri..

Isang araw na maaliwalas ang kalangitan, kaming mga sakop ni Bro. Araneta, nakabihis ng trabahador, ay lumabas sa La Ignasiana. Hindi kami nagsusutana para sa trabahong ito.  Pasan-pasan namin ang aming mga  pala sa aming mga balikat at pumunta kami sa San Andres bukid. May isang babae na may lamesa sa tabi ng kalsada. nagtitinda siya ng mga piniritong saging na saba. tinanong sa kanya ni Bro. Araneta,  " meron po bang mga patay dito na hindi pa naililibing?" "nailibing na yata ang lahat," wika ng babae.  tapos sinabi niya sa  boses ng isang taong  naghihirap pero mapanatag ang loob kasi alam niya na nagawa na niya ang kanyang dapat gawin: " nalibing ko na lahat ng aking mga patay." tapos, itinuro niya ang isang kanal. "Si mang kulas yata iyan: hindi pa yata naililibing." nakita namin si mang kulas na nakatagilid at nakabaluktot sa tabi ng kanal. may nagsimulang sunugin ang kanyang bangkay, pero di niya natapos. Inilibing namin si mang kulas, ang unang kaibigan namin sa kamatayan. 

tumuloy kami sa singgalong sa mga kalsada at loteng bakante. maraming mga taong patay may nakabulagta may nakataob at may isang lugar na maraming tao na nakataob parang meron silang tinatakasan na panganib na nanggagaling sa gawing likod nila. At natamaan yata sila at pinasubasob ng mga machine gun na nasa likod nila. Sa isang malawak na lupa  may maraming  bangkay na nakakalat hinati-hati ni Bro. araneta ang mga lugar na pagtitipunan ng mga bangkay, at kami ang magiging responsable sa paglibing sa kanila. kayat ang buong pangkat ni Bro. araneta ay hinati sa maliliit na pangkat, ang bawat maliit na pangkat ay may teritoryo at mga patay, na sya ang responsableng ilibing. Maraming mga patay na may mga taong sinubukan sunugin, pero hindi nila naganap na sunugin,kayat sa kalawakan ng singgalong meron kang makikitang maraming  umuusok na mga bangkay at responsable ka na ilibing sila sa isang magalang at mapayapa na pamamaraan. 

Sa mga patay na itinilaga sa amin na ilibing may isang maliit na bata na ang kaliwang paa ay medyo pilipit ang mga daliri na dapat tumuloy sa harapan ay tumutuloy sa likuran. Meron siyang tinatawag na "club foot". Siguro pilay pilay siyang tumatakbo noong natamaan siya at may nakasabog na mga laruan sa kanyang kapaligiran. Sino kaya itong batang nagmamahal sa kanyang laruan? Na  niyayakap niya  kahit na meron siyang tinatakasang panganib? . Sinubukan kong magsulat ng tula para sa kanya. Hindi ako nagtagumpay, pero ibabahagi ko sa inyo ang aking pagkukulang bilang alaala sa batang ito. Noong panahong iyon kung ako magsulat ay madalas ingles.

                   Lulled by soft weepings of leaves, little one,
                   Sleep through our morning hours.
                   Briefly on earth have your little feet run,
                   Brief is the sweetness of flowers.
                   
                   Dead on the morning of life's sad day
                   Oh morning of storm and rain 
                   pulling God's roves with the angels you play,
                   ne'er shall you childhood wane.

Nagkataon na si teddy Arbisu at ako ay nasa silong ng mga punong saging na aming hinuhukay upang gumawa ng libingan na may lilim. pero hukay kami ng hukay pero walang lilim na natutuklasan kami. ang init init at ang aming pawis ay dumadaloy sa aming likod at nalalanghap  namin ang hangin na taglay ang amoy ng mga nasusunog na bangkay. Naaalimpungatan yata kami. sinabi ni teddy sa akin, "parang amoy crackers." at sabi ko naman, " OO nga ano." agad nagpatuloy kami maglibing sa ating mga kapatid hanggat humaba ang mga anino. nakabilang kami ng tatlumpo't dalawang ulo ng mga nag-aagnas na patay na inilibing namin. sumalangit nawa silang lahat. at maawa ka sa amin o panginoon diyos.

Dapit hapon na at naglalakad kaming mga nakasuot trabahador at may pasan na mga pala sa san andres bukid. tinatahak namin ang isang landas na,sa kahabaan ng panahon,ay ginawa ng mga yapak ng mga trabahador . nagkataon naman ngayong hapon na ito na may dumi ng tao sa  gitna ng landas. Si bro. Malasmas gumawa ng isang mahabang landas na iniikot at iniiwasan ang dumi na kanyang itinuturo ng kanyang hintuturo. tumawa kaming lahat at sinabi ni Bro. Araneta, " pagkatapos ng lahat ng naranasan natin nababagabag ka pa sa isang maliit na bagay kagaya nyan."

Biyernes, Hunyo 1, 2012

Agaw buhay at pag-asa

Ang mga tropang amerikano ay unti-unting sinasakop ang maynila. Noong sinasakop nila ang Ermita unti-unting pumupunta sa sta.ana ang mga tao na nanggagaling sa ateneo. Sino ba itong mga taong nanggaling sa ateneo? unang-una ang mga heswitang nagaaral ng pilosopiya. Tapos may isang katipunan ng mga taong taga ermita na naghanap ng kanlungan na kasama ng mga heswita. Inaakala yata nila na magiging mas ligtas sila kung nakikisama sila sa mga heswita. Ang panganib na kanilang kinatatakutan ay galing sa mga kanyonaso ng mga ameikano. Ang mga bala ng kanyon ng mga amerikino ay umuulan at sumasabog sa gitna ng mga tao na humihintay sa liberasyon na taglay ng mga amerikano.
Sa simula ng atake ng mga tao ng mga amerikano sa ermita kay panatag ng loob ng mga heswita. Maraming mga sumasabog na artilieria at maraming mga taong namamatay pero walang heswitang namamatay o nasusugatan. Si fr. Riera, isang heswitang kastila, ay padre espiritual ng mga Refugee's at nagbibigay loob sa mga eskolatsik na heswita. Isang dapit hapon parang may bigat na kalungkutan na nadarama ng isang eskoslatik na si Recardo Pimentel . Sinabi nya sa isang kapwa heswita na mabigat ang loob niya. Pagkatapos, sinabi nya na "Magpapasyal ako saglit sa south parade". Lumatag ang dilim ng gabi. Nagsitulog ang bawat sinuman  sa sulok na mahanapan nya habang halos walang hinto ang pagpuputok ng mga kanyon.


Noong kinabukasan masusi nilang sinuri kung sino ang mga patay at kung sino ang mga buhay pa. May tumalab at sumabog na bala ng artilieria. Namangha sila nung nakita nila na may taong natulog sa silong ng lamesa at siya rin ay sumabog. Siya ay si eskolastik pimentel ng kapisanan ni jesus. Natauhan sila na pati ang mga heswita ay maaring mamatay.


Ang iskolaktik na si hilario lim ay inlibing. Si iskolastik Ricardo Pimintel ay sa west parade. Ito ay isa sa mga libingan ng mga patay noong inaatake ng mga Amerikano ang Ermita. Nilagyan ni hilario lim ng dalawang krus ang libingan ni Ricardo: Isang krus sa uluhan at isang krus sa paanan. Balak niyang ilipat ang kanyang mga buto sa novaliches pag bumalik na ang katahimikan sa Maynila. Pero ng bumalik na ang katahimikan, natuklasan ng mga Heswita na ibinulldozer na ng mga Amerikano ang buong west parade at walang nakakaalam kung anong nangyari sa mga labi ni Ricardo Pimintel.

Naguusapan sina Bro. Jaime Bulato at si Bro. Porfillo Andaya. Noong nagsimula ulit ang pagsabog ng mga kanyon pumunta si Bro. Bulatao sa isang sulok at Bro. andaya ay nagtago sa silong ng hagdan.Mula sa kanyang sulok nakita ni Jaime Bulatao na may sumasabog na bala ng kanyon doon sa may hagdan na kinaruruunan ni Bro. Andaya. At noong huminto ang mga kanyonaso, nakita ni Bro. Bulatao na lumabas si Bro. Andaya mula sa kanyang pinagtataguan. Hinihipo nya ang kanyang muka na dumudugo. Tumakbo sa kanya si Bro. Bulatao at nakita nya na may kapirasong shrapnen sa kanyang pisngi. Pinunit ni Bro. Bulatao ang kanyang sutana at gumawa siya ng bendahe upang mapahinto ang daloy ng dugo. Ginagamit nya ang kanyang natutuhan nung siya ay boy scout at umiiyak siya habang tinutulungan niya ang kanyang Bro. na sugatan. Sinabi naman sa kanya ni Bro. "Andaya "wag kang iiyak: "kung mamatay ako,pagdarasal kita". 

Sa isang bintana sa likod ng ateneo auditoryom, Si Bro. Dio at si Bro. Francisco Lopez ay natatanaw ang south parade grounds at ang pader na hinihiwalay ang ateneo sa assumption college. Noong kuwan, may isang malaking tangke ng amerikano na binuwal ang pader. Huminto yung tangke at may lumabas na dalawang sundalong amerikano. "batiin naten sila," sabi ni Bro. Lopez. "mapanganib iyan,"  Sabi ni Bro. Dio. Pero nauna na sa kanya si  Bro. Lopez, na bumabati na sa mga sundalong amerikano. "Hello Joe!" biglang narinig ang mga putukan ng baril. Natamaan si bro. Lopez. May butas sa lupa na kanilang kinaroroonan. Dumapa sila dito habang nagkaroon ng mabagsik na putukan ang mga hapon at mga amerikano. Isang oras at kalahati habang si Bro. Lopez ay nagtitiis sa dalawang sugat, pumasok daw ang isang bala sa kanang tagiliran at lumabas sa kaliwa at ang ikalawang bala ay pumasok daw sa kaliwang tagiliran at lumabas sa kanan. Noong matapos na ang putukan, dinala si Bro lopez sa Field Hospital sa welfare ville. Tatlong araw na ginagamot siya. Yung mga bro's sa Sta. Ana ay gumawa ng schedule upang palaging may kasama si Bro. Lopez. Noong ikatlong araw na, ang kasama nya ay sina Bro. Norberto bautista at si bro. Rodolfo Malasmas, siya ay pumanaw. Dinala ang kanyang labi sa La Ignaciana. Hindi pa tapos ang labanan sa maynila noong mga araw na iyon. Inilagay ang kanyang labi sa isang higaan na behuko. Pagkatapos ng misa binalot ang kanyang labi sa banig at inilibing siya sa plaza na nasa harapan ng simbahan ng Sta. Ana. Noong natapos ang giyera inilipat ang kanyang mga buto sa sementeryo ng mga heswita sa sacred heart noviate.