Martes, Hunyo 5, 2012

Mag hapon sa Singgalong

Maghapon sa Singgalong

Noong kuwan, nasakop na ng tropang amerikano ang Paco, ang San Andres bukid at singgalong. Pero kahit na dito sa mga lugar na ito naririnig namin ang mabagsik na labanan na nagaganap pa sa Ermita Malate at iba pa.... Ang problema naman sa mga lugar na nasakop na, ay kung papaano maililibing ang mga bangkay. May mga  nailibing na ng  kanilang mga pamilya, o kanilang mga kaibigan, o ng mga taong mapagkawang gawa. pero marami pa din ang nakakalat sa mga kalsada at sa mga loteng bakante. Humingi ng permiso ang mga juniors sa aming mga superiors na maglibing kami ng mga patay.  Tinatawag ang mga naglilibing sa mga bangkay na mga pangkat sa paglibing. ang  pangulo ng isang  pangkat ay si Bro. Araneta.  At ang namumuno sa ikalawang pangkat ay si Bro. Jaime Neri..

Isang araw na maaliwalas ang kalangitan, kaming mga sakop ni Bro. Araneta, nakabihis ng trabahador, ay lumabas sa La Ignasiana. Hindi kami nagsusutana para sa trabahong ito.  Pasan-pasan namin ang aming mga  pala sa aming mga balikat at pumunta kami sa San Andres bukid. May isang babae na may lamesa sa tabi ng kalsada. nagtitinda siya ng mga piniritong saging na saba. tinanong sa kanya ni Bro. Araneta,  " meron po bang mga patay dito na hindi pa naililibing?" "nailibing na yata ang lahat," wika ng babae.  tapos sinabi niya sa  boses ng isang taong  naghihirap pero mapanatag ang loob kasi alam niya na nagawa na niya ang kanyang dapat gawin: " nalibing ko na lahat ng aking mga patay." tapos, itinuro niya ang isang kanal. "Si mang kulas yata iyan: hindi pa yata naililibing." nakita namin si mang kulas na nakatagilid at nakabaluktot sa tabi ng kanal. may nagsimulang sunugin ang kanyang bangkay, pero di niya natapos. Inilibing namin si mang kulas, ang unang kaibigan namin sa kamatayan. 

tumuloy kami sa singgalong sa mga kalsada at loteng bakante. maraming mga taong patay may nakabulagta may nakataob at may isang lugar na maraming tao na nakataob parang meron silang tinatakasan na panganib na nanggagaling sa gawing likod nila. At natamaan yata sila at pinasubasob ng mga machine gun na nasa likod nila. Sa isang malawak na lupa  may maraming  bangkay na nakakalat hinati-hati ni Bro. araneta ang mga lugar na pagtitipunan ng mga bangkay, at kami ang magiging responsable sa paglibing sa kanila. kayat ang buong pangkat ni Bro. araneta ay hinati sa maliliit na pangkat, ang bawat maliit na pangkat ay may teritoryo at mga patay, na sya ang responsableng ilibing. Maraming mga patay na may mga taong sinubukan sunugin, pero hindi nila naganap na sunugin,kayat sa kalawakan ng singgalong meron kang makikitang maraming  umuusok na mga bangkay at responsable ka na ilibing sila sa isang magalang at mapayapa na pamamaraan. 

Sa mga patay na itinilaga sa amin na ilibing may isang maliit na bata na ang kaliwang paa ay medyo pilipit ang mga daliri na dapat tumuloy sa harapan ay tumutuloy sa likuran. Meron siyang tinatawag na "club foot". Siguro pilay pilay siyang tumatakbo noong natamaan siya at may nakasabog na mga laruan sa kanyang kapaligiran. Sino kaya itong batang nagmamahal sa kanyang laruan? Na  niyayakap niya  kahit na meron siyang tinatakasang panganib? . Sinubukan kong magsulat ng tula para sa kanya. Hindi ako nagtagumpay, pero ibabahagi ko sa inyo ang aking pagkukulang bilang alaala sa batang ito. Noong panahong iyon kung ako magsulat ay madalas ingles.

                   Lulled by soft weepings of leaves, little one,
                   Sleep through our morning hours.
                   Briefly on earth have your little feet run,
                   Brief is the sweetness of flowers.
                   
                   Dead on the morning of life's sad day
                   Oh morning of storm and rain 
                   pulling God's roves with the angels you play,
                   ne'er shall you childhood wane.

Nagkataon na si teddy Arbisu at ako ay nasa silong ng mga punong saging na aming hinuhukay upang gumawa ng libingan na may lilim. pero hukay kami ng hukay pero walang lilim na natutuklasan kami. ang init init at ang aming pawis ay dumadaloy sa aming likod at nalalanghap  namin ang hangin na taglay ang amoy ng mga nasusunog na bangkay. Naaalimpungatan yata kami. sinabi ni teddy sa akin, "parang amoy crackers." at sabi ko naman, " OO nga ano." agad nagpatuloy kami maglibing sa ating mga kapatid hanggat humaba ang mga anino. nakabilang kami ng tatlumpo't dalawang ulo ng mga nag-aagnas na patay na inilibing namin. sumalangit nawa silang lahat. at maawa ka sa amin o panginoon diyos.

Dapit hapon na at naglalakad kaming mga nakasuot trabahador at may pasan na mga pala sa san andres bukid. tinatahak namin ang isang landas na,sa kahabaan ng panahon,ay ginawa ng mga yapak ng mga trabahador . nagkataon naman ngayong hapon na ito na may dumi ng tao sa  gitna ng landas. Si bro. Malasmas gumawa ng isang mahabang landas na iniikot at iniiwasan ang dumi na kanyang itinuturo ng kanyang hintuturo. tumawa kaming lahat at sinabi ni Bro. Araneta, " pagkatapos ng lahat ng naranasan natin nababagabag ka pa sa isang maliit na bagay kagaya nyan."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento