Biyernes, Marso 30, 2012

Isang Pagsabog

ISANG PAGSABOG


Noong December 8, 1941 nagkaroon ng missa solemnis sa Novaliches, sapagkat piyesta ng Immaculada Concepcion ng ina ng Diyos. Pagkatapos ng misa, ang mga nobisyo ay nagtatrabaho sa reflektoryo. Sa paghahalungkat nila ng mga kubyertos, plato, silya at walis may mga bulung-bulungan na nakakabagabag sa kanila. Binomba daw ng mga hapon ang Pearl Harbor. Ni hindi ko alam kung ano ang Pearl Harbor at bakit gumagawa ng gulo ang mga hapon. Sabi ng schedule: LUDI. Kaya tumuloy kami sa basketbulan. Doon dumating si Father Socius. May nagtanong, " magkakaroon ba ng giyera?" Ang sagot: hindi malinaw."pagkatapos sabi ng schedule: NATANDUM. Tumuloy kami sa swimmingpool. Kay lamig ng hanging amihan. Bigla nakita namin si Brother Manuductor na tumatakbong pababa sa hagdan. Sabi niya punta tayo sa silid komperensya gusto tayong kausapin ni father Socius.


Alam ninyo na binomba ng mga hapon ang Pearl Harbor.  Ngayon binomba din nila ang Aparri, Camp John Hay, Clarkfield, Davao, at patuloy pa din ang mga lugar ng binomba. . . . .lahat ng mga lugar sa pilipinas. Tahimik kaming lahat. Tumalab sa aming damdamin ang pagmumulat na pumapasok kami sa isang panahon na digmaan, isang panahon na wala kaming alam kung ano ang mangyayari. 


Sabi ni father Socius sumulat kayo sa inyong mga pamilya. Sumulat ako kay papang, mamang, piti, nene, sinabi ko na magdasal tayo para sa isat-isa at hindi natin alam kung magkikita tayo muli. Nakita ni father Socius ang sulat ko at sinabi niya na baguhin ko daw sapagkat napakadilim ng tono ng aking sulat. Binago ko ang sulat ko, pero hindi ko mapigilan ang isang takot na ngayon ko lamang naranasan sa buhay ko.


Sa gabi walang mga ilaw at nakita namin na kay ganda pala ng Novaliches kapag walang ilaw. Lumalabas ang mga alitaptap na kumukuti-kutitap. Humuli ng isang alitaptap si Brother Alingal at inilgay niya sa bulsa sa dibdib ng kanyang sutana. Tumatalab ang kislap ng alitaptap sa kanyang damit kaya naiiwasan naming makipagbanggaan sa kanya sa dilim. Mamaya marami ang gumaya kay brother. 


Pero sa araw naman, kay ganda ng Novaliches sa panahon ng pasko. Kay bughaw ng langit at kay tindi ng pula ng mga dahon ng poinsettia. Pero sa tanghaling tapat, dumating ang mga eroplano ng mga hapon. Parang ugong ng mga bubuyog ang huni nila. At lumipad sila sa ibabaw ng aming bahay tungo sa maynila. Mamaya-maya naririnig namin ang kalabog ng mga bombang pinapasabog nila sa maynila.


Naisipan ng mga superior na icomaflauge ang bahay, kaya gumawa kami ng "pintura" yari sa pulang putik ng Novaliches at tubig. May mga tagatapal ng pintura sa labas ng bahay. Mayroon naman taga putol ng sanga at taga lagay ng sanga sa tuktok ng bahay. Ito raw ay upang wag makita ng mga hapon ang nobisyado. Ewan ko ba kung umubra.


Sapagkat ang mga tropa ng mga hapon ay nakayapak na sa Luzon, at inaakala yata namin na mapapahinto sila ng mga tropang Fil-American.. 


Pero patuloy ang aming paghahanda para sa pasko rorate caeli desuper.......noli timere....... ito ang unang pasko namin sa kabisanan ni hesus at walang makakapigil sa aming maligayang pagaantabay....   

Miyerkules, Marso 28, 2012

TATLUMPUNG ARAW

Nakarating na tayo sa tatlumpong araw ng banal na pagsasanay: ito ang pinaka sinaunang bagay na ginagawa ng isang heswita. Mahahalata natin ito sapagkat, kahit na sa isang matandang heswita, mababakasan mo na tinuruan siyang magdasal ni San Ignacio. Makikita mo ito kahit na sa mga heswita na hindi itinuloy ang kanilang pagka heswita. Mananatili silang kaibigan mo, mararamdaman mo na silay anak pa ni san ignacio sapagkat, kitang-kita mo, sa kanilang mismong kilos, na taglay nila ang mga katangian ng isang tinuruang mabuhay ni san ignacio. Sa palagay ko, ito'y ilan sa mga katangian  ng isang heswita:


Unang-una namulatan siya na isa lamang ang mahalaga sa buhay: hanapin ang kalooban ng diyos at tupdin ito.Ito ay natutuhan niya di sa pag bibigay diin ng mga libro, kundi sa paulit-ulit na pag bibigay diin ng mismong pangyayari sa buhay. Naranasan niya itong katotohanang ito, nakikita niya na lahat ng meron siya, ang mismong kung sino siya, ay tinanggap niya. Wala siyang ginawa. Ang kanyang buong buhay ay hiram lamang. Mamaya matatauhan siya na hindi pinahiram sa kanya ng diyos ang kanyang buhay, kundi binigay sa kanya, at itong buhay na ito ay mananatili na magpa sa walang hanggan. Kaya't ang kanyang sina unang kilos,ukol sa kanyang pagkatao, ay magpa salamat sa nagbigay sa kanya ng biyayang ito, at pagsikapan gamiting mabuti, ayon sa kalooban ng diyos, ang mga bigay sa kanya.
  
 Ikalawa: na ang buhay ng naghahanap sa diyos ay palaging isang pagbabalik loob. Ano ba ang nagbabalik loob? Isang taong naligaw sa landas, pero ngayon, sa grasya ng diyos, ay tinatawag ng diyos sa kanyang sina unang inaasam. "sapagkat ginawa mo kami upang sa iyo ri'y maka uwi at hindi mapa lagay ang aming puso hanggat hindi namamahinga sayo."  Kaya't ang bawat katoliko, mula sa pinaka dakilang papa, hanggang sa pinaka abang bata, sinisimula ang misa sa isang pag amin. "inaamin ko sa makapangyarihang diyos na ako'y nagkasala."


Nangangailangan tayo ng taga pagligtas. At ang ama ay  sinugo ang kanyang anak na magkatawang tao, habang nananatiling diyos, upang iligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at muling pagka buhay. At upang ituro sa atin ang uri ng pamumuhay ng taong nakikibahagi sa kanyang kamatayan at muling pagka buhay. Dito mapagmumunimunihan natin ang sabi ni san agustin:


 " Sa mababang bahagi ng iyong sanlinikha, nagtayo siya ng sariling dampa, yari sa aming putik. Dito niya pabababain ang mga hindi pa nagpapasakop, upang mapahiwalay sila sa kanilang sarili at mahulog sa kanya. Pagagalingin niya ang kanilang pagmamalaki at aalagaan ang kanilang pagibig, nang huwag silang lalong lumayo sa kanya sa kanilang pananalig sa sarili. Upang sila'y humina kapag nakita nila sa mismong paanan nila na mahina ang diyos na nakikibahagi sa balat namin. At kapag sa kanilang kapaguran, sila'y naparapa sa harap niya, tatayo siya at pababangunin sila."


At bakit kailangan manatiling tahimik ang mga gumaganap sa banal na pagsasanay? Itong mabigat na pasanin, na huwag magsalita, ay unti unting nagiging isang kaibigan, sapagkat sa katahimikan naririnig ang salita ng diyos, at natatauhan  ang tao na ang diyos ang naghahanap sa kanila. Hindi mo maririnig sa hangin ang salita ni hesus, pero sa katahimikan maririnig siya. Kailangan ng isang tagapagturo, upang makilatis ng matino ang tawag ni kristo.


 Ito ay parang mga tanglaw na nagbibigay liwanag sa mga dilim ng buhay. At kung magkatagpo tayo ng isang taong may taglay na liwanag na ganito, sa kanyang mga mata, makikilala natin: Anak tayo ni San Ignacio.



Matapos ang aming tatlumpong araw noong October 28 St.simon and jude 1941, umulan ng malakas. Naglaro kami sa ulan. 

Huwebes, Marso 22, 2012

NATUTO SA GAMU-GAMO

isang ulap ng mga kumikinang na pakpak ay pumasok sa bintana ng malawak na kwarto na aming kinaroroonan, kami ay mga batang kapapasok sa nobisyado ng mga heswita sapagkat tinawag kami ng diyos, ang ulap naman ay isang lupon ng mga gamu-gamo na kalalabas sa kanilang punso dahil sa hatak ng pwersa ng aming mga ilaw na ploresent, ginugulo kami ng mga gamu-gamo siksikan sila na nagmamadali na makarating sa ilaw pero kapag nahipo nila ang ilaw kaagad natatanggal ang kanilang pakapk sa katawan at nauulanan kami ng mga labi ng gamu-gamo isang nakaririmarim na karanasan lalo na kapag pumasok ang mga labi sa pagitan batok at kwelyo may ilang mga tangkad saamin na nanguha ng palanggana na nilagyan nila ng tubig at kanilang itinaas sa ilaw. nakita ng mga gamu-gamo ang ilaw na nasasalamin sa palanggana napasisid sila at naglaho.

At ano ang ginagawa naming mga bagong pasok sa nobisyado, bago natin ipagpapatuloy ang ating istorya kailangan paliwanagin ang ilang mga titulo ng mga may tungkulin sa nobisyado, ang pinaka mataas na pananagutan ay ang guro ng mga nobisyo Master of  Novices na tinatawag na Fr.master ang kanyang Assistant ay ang Fr.Socius. meron namang isang nobisyo na tulay mula sa mga nobisyo tungo sa mga may katungkulan siya ay ang Bro.Manuductor ang kanyang assitant ay ang Bro.Sub'Manuductor. na binibigyan ng mga nagmamahal na sakop ng panggalan na Bro.Sub.

ang nobisyo na nasa ikalawang taon ng nobisyado ay tinatawag na Novitius Secundi Anni pero pinaiikli sa titulong Secundi, ang nasa unang taon ay tinatawag na Novitius Primi Anni, pinaiikli sa titulong primi. kung sinabi kong Ego Sum Primi sinasabi kong "ako ay nobisyong nasa unang taon" kung sinabi kong Ego Sum Primus"sinabi kong "ako ang nauuna" kung sinabi kong "Ego Sum Secundi" sinabi kong "ako ay nobisyong nasa ikalawang taon" kung sinabi kong Ego Sum Secundus sinabi kong "ako ang pangalawa" kaya kailangan na maraming beses marinig ang pagtukoy sa sarili bilang akoy primi akoy secundi ang primi at secundi dito ay Genitive of Specification.


Pag pumapapasok ang mga bagong primi sa nobisyado binibigyan ng ilang secundi ng pananagutan na gabayan sila itong mga espesyal na secundi na ito ay tinatawag na mga anghel.

At ano ang ginagawa naming mga bagong pasok sa nobisyado, gumaganap kami ng anim na araw ng banal na pagsasanay bilang paghahanda sa araw kung kailan isusuot namin ang Sutana, kayat hindi ka magugulat kung narinig mo ang isang primi na tinatanong sa isang anghel, kung akoy nananalangin o nagbabasa ng aklat na espiritwal pinagsisikapan ko na ituon ang aking buong pansin kay hesus na siyang tunay na guro namin pero biglang sumusulpot sa aking panindim isang sumasabog na katipunan ng mga larawan at kaisipan na walang kinalaman sa pagsunod kay kristo.

At marahil maririnig mo ang sagot ng Anghel yan ang tinatawag na problema ng  Distraction, ng mga magulong larawan na hinahatak ka sa mga walang halaga sila ay gaya ng mga gamu-gamo na magulo at nakaka sira sa panatag na kalooban ngunit sa wakas ay naglalaho. manatili kang nakatuon kay hesus hindi ka talaga masasaktan kung Nanalangin ka. ang gamu-gamo ay hinahatak ka at inaakit ka sa kamunduhan ituon lamang ninyo ang inyong pansin sa mahalagang ginagawa ninyo at mga gamu-gamo ay mawawala kahit na binibigyan kayo ng mga nakaiinis na karanasan bago sila mawala. ituon ang mga mata kay hesus at makaka lakad ka sa tubig.

marahil may ibang primi na nagtatanong meron ka bang maibibigay tungkol sa halaga ng simbolismo ng sutana  ang sagot ng anghel, meron akong ibabahagi sainyo hindi ko alam kung ito ang hinahahnap ninyo pero ititira ko.

tignan ninyo ang mga hibla na hinahabi upang maging tela na gagamitin sa pag gawa ng sutana may dalawang kilos ang hibla ang isa ay hilaga tungo sa timog ang isa naman ay silangan tungo sa kanluran kailangan ang dalawang kilos ng hibla, kung ang kilos ay hilaga lamang tungo sa timog walang tela o kung silangan lamang tungo sa kanluran wala ring tela  kung may dalawang kilos hilaga tungo sa timog at silangan tungo sa kanluran palaging pagsasalubungin palaging nag hihidwaan  ngunit sa hidwaan lamang makakabuo sila ng tela pansinin ninyo ang hidwaan ay krus kaya nga ang tela ng sutana ay libo-libong krus kaya sa kanilang paghihidwaan ay nabubuo ang sutana, kaya ang tela ng sutana ay isang babala sa taong nais sundan si kristo na nagsabi "kung sino man ay gustong maging kasama ko pasanin niya ang kanyang krus araw araw at sumunod siya saakin" at ang libo-libong mumunting  krus na bumubuo sa tela ng sutana ay nagpapaalala saatin na hindi kailangan ang malalaking krus upang maging tapat na alagad ni hesus kailangan lamang na tanggapin natin anomang krus maging maliit man o mabigat na maipapadala niya saatin.

Nung gabi ng sorpresa nung dumating kami sa aming kama nakita namin sa ibabaw ng aming kama ang isang puting sutana at isang puting sentura hinanger namin ang sorpresa, nung kinabukasan narinig namin ang batingaw na pag gising at bumangon kami lumuhod kami hinalik namin ang sahig at idinipa namin ang aming mga kamay nung kuwan narinig namin ang boses ng pangulong anghel Laudetur Jesus christus sumigaw kami
Insaecula saeculorum hinalik namin ulit ang sahig at sinuot namin ang aming bagong sutana at sentura at pumunta kami sa kapilya upang magpasalamat kay hesus na kami ay mas lumalapit sa kanya. ang petsa ay June,12,1941 na kapistahan ng Courpus Cristi sa taong iyon.

Ang hinihintay namin ngayon ay ang banal na pagsasanay sa tatlumpong araw...

Huwebes, Marso 15, 2012

Tinig sa Dapit-hapon

     Ang nobisyado ay nasa Novaliches, ang Novaliches noon, ay iba sa Novaliches ngayon. Ang Novaliches ngayon ay bahagi ng Metro Manila, ang Novaliches noon ay isang maliit na bayan na malayo sa Maynila at kumakapit sa mga bulubundukin ng Sierra Madre. Paano ko mapapakita ang nangyari nung araw pa, hindi ko mailalarawan ang hindi nag iwan ng anyo, ngunit ipapahiwatig ko.

     Maglakbay ka sa Novaliches noon, maari kang magsimula sa downtown. Ang unang malalampasan mo ay mga gusali ng kalakal. Dumadaloy ang mga gusali at nagkakaroon ng mga bahay- marangya man o simple o maralita- ng mga mamamayan. Ang tanawin ay nagsisimulang nag-aanyong probinsya. Ang mga bukid na natamnan ng palay, mga lupang natamnan ng mga prutas, at mamaya nakarating ka sa maliit na bayan na tinatawag na Novaliches. Isang kalsada papasok makaka kita ka ng botika, liliko ka makaka kita ka ng maliit na simbahan. Liliko ka pa at nalampasan mo na ang Novaliches pero naka pasok ka sa lupain ng Novaliches noon. Humampas ang hangin na sariwa sa iyong noo. Ang buong kapaligiran mo ay kugon at talahib. Ang tirahan ng tao ay kakaunti at malaki ang agwat, at sa harapan mo makikita mo ang bulubundukin: maliliit na bundok na mamaya maya ay parang lumundag at naging malalaking bundok. At sa kanan sa gitna ng kugon may isang maliit na gusali na siyang nobisyado ng mga Heswita.

     Bumaba ka sa kotse at umakyat ka sa kapilya, binati mo ang panginoon at pumunta ka sa portiko na pumapaligid sa kapilya. Doon makikita mo si San Estanislao Kostka, isang prinsipeng polako, na gustong mag Heswita pero ayaw ng ama niya. Kaya naglakad siya mula sa Apollonia hanggang sa Roma para pumasok sa Kapisanan ni Hesus. Sandali lamang siya sa nobisyado sapagkat tinawag siya sa buhay na walang hanggan. Siya ay 17 taon gulang. Nakasulat sa dingding sa likod ng kanyang estatwa "Ad Majora Natus Sum" -tungo sa lalong dakilang gawain akoy isinilang. Pagkatapos sa kabilang dulo ng portiko makikita mo si San Juan Berchmans, isang taga Belgium na karaniwang tao at sa karaniwang pagsisikap nakatamo ng pagka santo noong siya ay 21 taong gulang. Naka sulat sa dingding sa likod ng kanyang estatwa "Maximi Facere Minima" -ituring na pinakadakila ang pinaka hamak.
     Tapos nagulat ka nung lumiko ka sa isang banda ng portiko natanaw mo ang isang malawak, malalim at malayong tanawin at sa mismong dulo ng tanawin sa pinakamalayong maabot ng iyong mga mata. Makikita mo ay isang pulutong ng kung anong isang puting kuwan. Pinatalas mo ang iyong mga mata at nakita mo na yung mga kuwan na iyon pala ay mga gusali at tahanan ng siyudad ng Maynila. Ang layo pala ng Maynila. Pero natatanaw rin mula sa Novaliches noon:
katipunan ng mga gusali sa maghapon,
katipunan ng mga ilaw sa magdamag at bumabalot sa lahat ang isang malalim na katahimikan.

     Katatapos mo lamang kaibigang mambabasa sa iyong paglalakbay sa isang guni-guni tungo sa Novaliches noon. At ipinapalagay ko na medyo mo naranasan ang naranasan naming mga batang nobisyo sa aming paglalakbay. Maraming itinuturo sa amin sa nobisyado ngunit ang mahalaga sa lahat ay itinuro sa amin na dibdibin ang sinabi ni Jeremias propeta "bonum est praestolare salutare Domini in silentio" mabuting hintayin sa katahimikan ang tulong ng panginoon na siyang magliligtas, katahimikan. katahimikan.

     Sa iskedyul ng mga nobisyo nakalagda na meron kaming isang oras ng pagninilaynilay sa umaga at kalahating oras sa dapit-hapon. Dapit-hapon na ngayon, lumalamig na ang hangin at umaamo ang dilim. May isang manipis na ulap na lumalatag sa bulubundukin at meron kaming naririnig na isang tinig na kumakanta. Bawat dapit-hapon dumarating sa amin mula sa isang di namin kilala, kapwa taga Novaliches noon. Isang tinig ng isang babae na napaka dalisay at napaka linaw. Hindi namin maintindihan ang mga salita na kinakanta niya ngunit naintindihan namin ang sinasabi ng himig, maghintay kayo sa panginoon, darating siya.

Lunes, Marso 12, 2012

Pagbukas ng Pintuan


     Idolo ko si Fr.Banayad. Nung sinabi ko sa kanya na gusto kong mag Heswita, isinimula niya ang pagpaliwanag sa akin ng ukol sa ESPIRITUALIDAD ng mga Heswita. Marami siyang tinalakay, ngunit, ang tumalab sa akin ay ang "kasuotan ni Kristo".

     Ipinagmamalaki ng mga taong maka mundo, na sila ay naka bihis sa kasuotan ng kamunduhan: isang walang awang pagsikap na agawin ang kapangyarihan at pag ipon ng ginto at pilak. Ang mga gustong sumama kay Kristo ay itinuturing na isang bagay lamang ang mahalaga: ang manatiling naka bihis sa kasuotan ni Kristo; ang maging mapagkumbaba kasama ni Kristo; at manatiling dukha kasama ni Kristong dukha; ang magtitiis na alipustahin siya kasama ni Kristo; sapagkat mas magbibigay ligaya sa kanya ang alipustahin siya kasama ni Kristo, kaysa kung idulot sa kanya ang pinaka dakilang karangalan.

     Hawig dito ang aking mga pinagmumuni-munihan noong nakita ako ng anghel. Dinala niya ako sa kwarto ng guro ng mga nobisyo na si Fr. Kennaly at pinaupo ako sa isang silya. Nung naka upo na ako itinangala ko aking mga mata. Mas mabilis siya sa akin. Bago ko maituon ang aking mga mata sa kanyang mga mata, nauna niyang ituon ang kanyang mga mata sa aking mga mata. Sabi nga nila, na si Fr. Master ay may matatalas na mata na tumatalab ang mga tingin hanggang sa kaloob-looban ng iyong pagkatao. Kayat nangangamba ako na baka masaktan ako. Ngunit wala akong nakitang pananakit sa kanyang mga mata; mabait ang kanyang mga mata; at ang nakita ko ay isang pagnanais na magkaunawaan kami.

     Dinala ako ng anghel sa kainan. Doon pinapakain kami ng Keyk na kulay dilaw at binalabalan ng tsokolate. Tapos binigyan kami ng listahan ng mga kataga na kakailanganin naming gamitin sa kainan. Halimbawa:

Orissam, sivis, "kanin, pakiusap."
Aquam, sivis. "tubig, pakiusap."
Olera, sivis. "gulay, pakiusap."

     Sabik silang gumamit ng Latin sa nobisyado. Pati ang mga iskedyul ay naka paskil sa Latin.
Nasisiyahan ako sa mga kataga na humahantong sa "NDUM" ang ibigsabihin ng ndum sa dulo ng kataga ay dapat itong gawin.

     Laborandum- dapat magtrabaho, bungkalin ang kapirasong lupa na nasa tabi ng daan na papunta sa sementeryo. Kapag nabungkal na tamnan ng pinya.
     Natandum- dapat lumangoy. Naghukay ang mga nobisyo ng  swimming pool, naghukay ng malalim na butas. Sinusukan ito ng mahabang tubo na naka kabit sa isang bomba upang mahigop ang tubig at mapuno ang swimming pool. Pero kahit paulit ulit nilang subukan hindi nila mapa akyat ang tubig. Sa wakas hinulugan nila ang tubo ng isang medalya ni San Jose, at dahan dahang umangat ang tubig.
     Exeundum foras- dapat lumabas sa mga pintuan. Sapagkat kung magkukulong ka sa isang bahay na naka sara ang mga bintana at pintuan mapapanis ang mga hangin na hinihinga mo at pati ang mga nobisyo ay nangangailang ng malinis na hangin.

     Itong araw na ito May 30,1941 ay isang araw na dakila sa aking buhay. Sa araw na ito, binuksan sa akin ng Kapisanan ni Hesus ang kanyang pintuan. Mula ngayon, ang kapisanan ay ang ligaya ko, at ang lungkot ko. At ako naman ay naging ligaya niya, at lungkot niya.

     Dumating ang unang gabi ko sa Kapisanan ni Hesus. Hindi ako makatulog. At meron akong naririnig na ingay na hindi ko alam kung ano. Pagsikat ng araw natauhan ako na napapaligiran ang nobisyado ng mga hanay ng punong aguho at ang narinig ko ay huni ng ihip ng hangin na tumatalab sa mga hanay ng punong aguho. Ito ay musika ng buhay: kung minsan maligaya, kung minsan malungkot, kung minsan tumatawa, kung minsan umiiyak. Gaya ng buhay ko sa Kapisanan ni Hesus gaya ng buhay nino man, saan man.

Miyerkules, Marso 7, 2012

Paalam

     Masusi kong tinitingnan ang aking kwarto (attic room) na inihanda ni Papang nung naka abot ako sa high school. Magpapaalam ako, sapagkat pupunta na ako sa nobisyado. Ang daming librong nabasa ko sa kwartong ito. At may isang gabing naaalala ko na may nangyaring nagpa ligaya sa aming mag-ama.

     Naka upo akong naghahandang basahin ang isang libro. Tinanong sa akin ni Papang, "ano ang binabasa mo?"

      Sabi ko, "ang awit ng matandang marinero."

"matanda ang marinero
nakasagupa sa tatlong tao
pina hinto niya ang isa."

     Umupo si Papang at tuluyan niyang isinalin ang mga Ingles na saknong sa Tagalog. Ingles-Tagalog Ingles-Tagalog, hali-halili hanggang sa natapos niya ang tula. Kung minsan inihihinto niya ang pagsasalin upang paliwanagin sa akin, halimbawa, kung ano ang "albatross", o kaya kung bakit nagkukumpisal ang marinero sa ermitanyo. Sabi niya, kahit na mga Protestante sila, meron silang mga ugaling Katoliko. Hating gabi na nung natapos kaming makipagsapalaran sa mahiwagang marinero.

     Patuloy ang masusi kong pagpapaalam sa sulok sulok ng aking kwarto. Meron akong nakitang isang bunton ng mga papel. Nakatago dito, nahanapan ko ang isang tula na isinulat ko kay Mamang. Ang tula ay may petsang Marso 1,1941.

"To My Mother"
the mists of years can never take away,
the thoughts of her who taught me how to pray;
whose gentle voice once soothed my childish fears,
on those dear days of those past infant years,
her love smoothed out the wrinkles of my bed,
when sickness sent strange feelings through my head.
her hand waved at me when to school i went,
and on a school boy's bench the day i spent,
then oft my wand'ring thoughts would go back home,
to her who cared for me, my thoughts would roam.
though time may draw his veil across the past,
still to her my memories shall hold fast,
and in my heart shall always be a place,
for my dear mother's cheerful loving face.


     Pagkatapos ng mahabang panahon noong namatay na si Mamang nahanap ng aking ate sa kanyang mga ari-arian ang tula. Ang huling beses na nakita ko ang tulang iyan, ay nung iniwan ko sa aking kwarto. Sabi ko, mahahanapan iyan ni mamang pag naka alis na ako. At ngayon alam ko na nahanapan na niya at itinago niya bilang isang napaka halagang kayamanan.

     Meron akong nakitang naka sabit sa ding ding. Isang espadang laruan, noong ako'y nasa grade 3 pinanood namin ni Papang ang "King Lear" naengganyo ako sa isang eksena kung saan nag eeskrima ang mga tauhan. Nung naka uwi na kami sa bahay maraming beses na nakita ako ni Papang  na nakikipag eskrima sa hangin, kaya ibinili ako ni Papang ng espadang laruan. Maraming beses ginagamit ko ito upang maki eskrima sa hangin ngunit naglaho rin ang aking pananabik na lumaban sa hangin, kayat ibinitin ko sa dingding ang espadang laruan.

     Nung kinabukasan araw na para pumunta ako sa nobisyado. Umakyat ako sa aking kwarto upang kawayan siya ng aking huling paalam. Masaya ako at masaya rin ang kwarto ko at ang huling bagay na tinuunan ng aking mga mata ay ang espadang laruan.

Martes, Marso 6, 2012

Paghahandog


     Sabado noong inilibing namin si Gusting : Namatay siya noong Miyerkules : noong Martes, isang araw lamang ang nalalabi sa kanyang buhay. Noong Lunes, dalawang araw. Noong Lingo, tatlo. Balang araw, parami ng parami, ang nalalabi sa kanyang buhay. Paikli, ng paikli, ang kanyang buhay. Ang mahirap sa tao ay kailangan niyang mamatay.

     May mga manok na tutuka tuka sa aming manukan. Sa bawat saglit, nilalapitan sila ni kamatayan. Pero hindi nila alam. Wala silang malay tao; at mahina ang malay manok.

     Noong bata ako, naiingit ako sa malay manok, sapagkat hindi nila nadarama ang takot sa kamatayan. Ngunit ngayon, ikinalulugod kong manirahan sa abot tanaw ng aking malay tao. At kaya kong makipag kilala sa sanlibutan at makapag munimuni.

"sa mga bituin makinang sa gabing malalim
sa mga alon na humahampas sa dalampasigan
sa mga dahon na nagkikiskisan sa malakas na hangin
sa araw nagbibigay liwanag at init
sa lupa kung saan nagsisimula ang buhay at kamatayan

at kaya kong manatiling tapat sa aking mga kaibigan."

     Inihahandog ko ang librong ito sa lahat ng aking mga kaibigan, ngunit, bilang pagbibigay dangal sa tatlong persona sa IISANG BUTIHING DIYOS, babanggitin ko ang tatlo sa aking mga kaibigan.

Inihahandog ko ang librong ito

kay GUSTING na siyang nagturo sa aking manghuli ng mga tutubi, sa damuhan ng sampaloc.

kay JONATHAN, na nagbigay ng libro ng mga pahina na walang sulat, upang masulatan ko ng mga kaisipan na nagbibigay liwanag sa aking pag mumunimuni.

kay GENESIS, (ang ibig sabihin ng kanyang pangalan ay, simula,). Siya ang nagbigay loob, na isimula ko ang pagsulat sa librong ito, ngayon, mismong araw na ito Pebrero 29, na mismong kaarawan niya.

NOTA: 
[1]ang mga saknong  mula sa (sa mga bituin na kumikinang) hanggang sa (buhay at kamatayan) ay isiningit ni Genesis Martinez.
[2]at ang buong blog ay inencode ng mga sumusunod na indibidual Genesis John M. Martinez, Gael Esperida, Ryan Oliveros, Rocky Sarmiento, Allan Mateo, Gene Bueno, Mark Porciuncula, Jeffrey Reyes, Jeffrey Solomon, at Lorenz Zapata.