Huwebes, Marso 15, 2012

Tinig sa Dapit-hapon

     Ang nobisyado ay nasa Novaliches, ang Novaliches noon, ay iba sa Novaliches ngayon. Ang Novaliches ngayon ay bahagi ng Metro Manila, ang Novaliches noon ay isang maliit na bayan na malayo sa Maynila at kumakapit sa mga bulubundukin ng Sierra Madre. Paano ko mapapakita ang nangyari nung araw pa, hindi ko mailalarawan ang hindi nag iwan ng anyo, ngunit ipapahiwatig ko.

     Maglakbay ka sa Novaliches noon, maari kang magsimula sa downtown. Ang unang malalampasan mo ay mga gusali ng kalakal. Dumadaloy ang mga gusali at nagkakaroon ng mga bahay- marangya man o simple o maralita- ng mga mamamayan. Ang tanawin ay nagsisimulang nag-aanyong probinsya. Ang mga bukid na natamnan ng palay, mga lupang natamnan ng mga prutas, at mamaya nakarating ka sa maliit na bayan na tinatawag na Novaliches. Isang kalsada papasok makaka kita ka ng botika, liliko ka makaka kita ka ng maliit na simbahan. Liliko ka pa at nalampasan mo na ang Novaliches pero naka pasok ka sa lupain ng Novaliches noon. Humampas ang hangin na sariwa sa iyong noo. Ang buong kapaligiran mo ay kugon at talahib. Ang tirahan ng tao ay kakaunti at malaki ang agwat, at sa harapan mo makikita mo ang bulubundukin: maliliit na bundok na mamaya maya ay parang lumundag at naging malalaking bundok. At sa kanan sa gitna ng kugon may isang maliit na gusali na siyang nobisyado ng mga Heswita.

     Bumaba ka sa kotse at umakyat ka sa kapilya, binati mo ang panginoon at pumunta ka sa portiko na pumapaligid sa kapilya. Doon makikita mo si San Estanislao Kostka, isang prinsipeng polako, na gustong mag Heswita pero ayaw ng ama niya. Kaya naglakad siya mula sa Apollonia hanggang sa Roma para pumasok sa Kapisanan ni Hesus. Sandali lamang siya sa nobisyado sapagkat tinawag siya sa buhay na walang hanggan. Siya ay 17 taon gulang. Nakasulat sa dingding sa likod ng kanyang estatwa "Ad Majora Natus Sum" -tungo sa lalong dakilang gawain akoy isinilang. Pagkatapos sa kabilang dulo ng portiko makikita mo si San Juan Berchmans, isang taga Belgium na karaniwang tao at sa karaniwang pagsisikap nakatamo ng pagka santo noong siya ay 21 taong gulang. Naka sulat sa dingding sa likod ng kanyang estatwa "Maximi Facere Minima" -ituring na pinakadakila ang pinaka hamak.
     Tapos nagulat ka nung lumiko ka sa isang banda ng portiko natanaw mo ang isang malawak, malalim at malayong tanawin at sa mismong dulo ng tanawin sa pinakamalayong maabot ng iyong mga mata. Makikita mo ay isang pulutong ng kung anong isang puting kuwan. Pinatalas mo ang iyong mga mata at nakita mo na yung mga kuwan na iyon pala ay mga gusali at tahanan ng siyudad ng Maynila. Ang layo pala ng Maynila. Pero natatanaw rin mula sa Novaliches noon:
katipunan ng mga gusali sa maghapon,
katipunan ng mga ilaw sa magdamag at bumabalot sa lahat ang isang malalim na katahimikan.

     Katatapos mo lamang kaibigang mambabasa sa iyong paglalakbay sa isang guni-guni tungo sa Novaliches noon. At ipinapalagay ko na medyo mo naranasan ang naranasan naming mga batang nobisyo sa aming paglalakbay. Maraming itinuturo sa amin sa nobisyado ngunit ang mahalaga sa lahat ay itinuro sa amin na dibdibin ang sinabi ni Jeremias propeta "bonum est praestolare salutare Domini in silentio" mabuting hintayin sa katahimikan ang tulong ng panginoon na siyang magliligtas, katahimikan. katahimikan.

     Sa iskedyul ng mga nobisyo nakalagda na meron kaming isang oras ng pagninilaynilay sa umaga at kalahating oras sa dapit-hapon. Dapit-hapon na ngayon, lumalamig na ang hangin at umaamo ang dilim. May isang manipis na ulap na lumalatag sa bulubundukin at meron kaming naririnig na isang tinig na kumakanta. Bawat dapit-hapon dumarating sa amin mula sa isang di namin kilala, kapwa taga Novaliches noon. Isang tinig ng isang babae na napaka dalisay at napaka linaw. Hindi namin maintindihan ang mga salita na kinakanta niya ngunit naintindihan namin ang sinasabi ng himig, maghintay kayo sa panginoon, darating siya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento