Huwebes, Hunyo 14, 2012

Tanghaling Tapat

     Isang umaga na walang ulap ang langit, pumunta kami sa Mandaluyong upang sumakay sa isang trak na papunta sa kalye San Marcelino. Ang nangangasiwa sa trak ay mga relihiyosong Vincentian. Si Bro. Araneta ay gustong tulungan sila. Ang trak ay dumadaan sa mga kalsada ng Maynila na nasakop na ng mga Amerikano. Pero sa kanilang pagsakop ay may naganap na matinding pagkawasak; mga bahay na walang atip at dingding at wala nang taong naninirahan doon. Nakarating kami sa kalye San Marcelino, sa simbahan ng mga paring Vincentian. At sa isang gusali na noong panahong iyon ay seminaryo nila ngunit sa mga huling araw ng giyera ay naging lugar ng mabagsik na labanan. Noong dumating kami doon nakikita namin na may mga tao na nagtatrabaho sa funeraria na inuupahan ng army ng mga Amerikano upang linisin ang gusali ng mga bangkay ng mga sundalong Hapon. Nakita namin na hinahagis nila ang mga bangkay sa bintana ng gusali, at nawawasak pag tama sa lupa. May mga taong pinapanuod ang ginagawang paghagis ng mga bangkay. At may sundalong Amerikano na pinagsasabihan sila: "lumayo kayo sa mga nahuhulog na bangkay: ang marami sa kanila ay may granada sa bulsa, at kapag nagkasagupaan na ang lupa at bangkay baka sumabog ang granada at masaktan kayo".
     Noong sumama ako sa pangkat patuloy sa San Marcelino hindi ko alam kung ano ang layunin ng aming pagpunta, at hanggang sa kami'y dumating doon ay hindi ko padin alam kung ano ang aming gagawin. Pero sinundan ko ang mga taong papunta sa isang direksyon at sabi ko sa loob loob ko ay siguro pupunta kami sa lugar ng aming trabaho. Patuloy kaming lumakad at tumigil sa esterong umaagos sa tabi ng gusali. May masangsang na amoy, amoy ng kamatayan. Yung estero ay marumi at hindi ko makilatis kung ano ang nasa estero. Nakatayo ako sa tabi ng estero kasama ang isang Bro. na heswita. Mayroon siyang tinuro na isang bagay na medyo nakalubog sa estero at sinabi niya "pari yon". Pagkatpos ay may isa pang bangkay. May sugat ito at sinabi ng aking katabi "tama iyan ng bala ng machine gun". Tinuro ng isang Vincentian ang isang bangkay na may nakasuot na bagong sapatos at sinabi niya na "iyan si bro. namin na nakatatanggap lamang ng isang regalo na bagong sapatos". At nakita kong may isang taong nakasutana na nakalubog sa estero at may mga ibang taong naka sutana din at matagal nang nakababad sa tubig. Noon lamang ako natauhan na may mga relihiyosong Vincentian na pinatayo at pinaharap sa estero. Sampu sila, minachine gun, at nahulog sila sa estero. Matagal na panahon bago dumating ang sapat na kapayapaan upang maharap ng mga tao ang malungkot na trabaho ng paglibing sa kanila. Agnas na ang kanilang mga katawan kaya't nang aming inililipat ang mga bangkay mula sa estero patungo sa wheelbarrow na magdadala sa mga bangkay sa isang hukay na nasa likod ng simbahan ng San Marcelino na nilagyan ng mga bato at pinatungan ng galvanized iron. Pagkatapos pinatungan ng banig sunod ang mga bangkay at sa huli ay tinabunan na ng lupa. Bilang saksi sa pagasa ng mga namatay kay Kristo na hinihintay sila ng buhay na walang hanggan. et expecto resurrectionem mortuorum et vitam venturi saeculim. Ang mga bangkay na naagnas na ay nagkaka pira piraso. Kung minsan hindi namin nakikita ung bangkay dahil natatakpan ng mga uod. Noong dumaan ang isang wheelbarrow na may taglay na isang bangkay bangkay, may narinig akong isang taong nagsabi na "yan si Fr. Fernandez" at naalala ko noong September 27, 1940, noong nagkaroon ang mga heswita ng celebrasyon ng pagpapasalamat sa ikaapat na daang taon mula sa ginawang kumpirmasyon ni Papa Pablo III sa kapisanan ni Hesus, nagkaroon ng tahimik pero maligayang celebrasyon ng pagpapasalamat ang mga heswita sa simbahin ni san ignacio sa intramuros. At ang mga Vincentians ay tinulungan ang mga heswita sa kanilang pagdiriwang. Si Fr. Fernandez, nagbigay ng isang sermon ng papuri kay san ignacio at sa kanyang pagtugon sa tawag ng grasya ng Diyos. At ngayong sa simula ng taong 1945 inililibing namin siya kasama ng kanyang mga kapatid sa kanilang kapisanan relihiyoso. Ito ang aming pagpapasalamat sa pagtulong ng mga Vincentians sa aming celebrasyon noong 1940.  May isang catholic chaplain ng American army na ginaganap ang magalang na pagtalaga sa mga patay sa awa ng butihing Diyos.
     Tanghaling tapat na ngayon at biglang nakarinig kami ng ugong ng maraming kulog. Tumingala kami at nakita namin na wala ni isang ulap sa langit. Nanggagaling ang ugong sa gawing silangan ng langit. Ito ang direksyon ng bayan ng marikina. Meron pang mga lungga ang mga hapon sa mga bulubundukin ng lambak ng marikina at kalooban ng mga amerikano na durugin ang mga ito upang masakop nila ang buong pulo ng lungsod. Kayat nagpadala sila ng sunod sunod na pangkat ng B25 na lumipad sa ibabaw ng marikina. Kapag nakapagbigay ng hudyat ang mga eroplanong namumuno sabay sabay na bumubukas ang mga tiyan ng B25 at sabay sabay nahuhulog ang mga bomba. Kapag nagsagupaan ang mga bomba sa lupa may ugong ng libo-libong kulog. 

Kailangan na naming umuwi sa La Ignaciana. Walang sasakyan at ang daan ay isang kalsada na magkabilang gilid ay may mga sunog na punong kahoy na walang dahon. Bata kami at naniniwala kami na malakas kami ngunit tao din kami at nauuhaw kami. Nakita namin ang isang Amerikanong sundalo na may malaking canteen na nakabitin sa kanyang balikat. Sabi ko kay Bro. Araneta, "maari bang makahingi tayo sa kanya ng tig-isang lagok ng tubig? isang lagok lamang ang bawat isa". akala ni Bro. Araneta na isang mabuting mungkahi iyon kaya't nilapitan niya ang sundalo at sinabi niyang "kami ay galing sa paglibing ng mga patay at  malayo ang aming lalakarin, maaari mo ba kaming bigyan ng isang lagok ng tubig  bawat isa?". akala rin ng Amerikano na isang mabuting mungkahi ito kaya't binigyan niya kami ng tig- isang lagok ng tubig, at dahil mainit din ang sikat ng araw ay mainit din ang laman na tubig ng canteen. Pero sa aming matinding uhaw ang tubig na galing sa mainit na canteen ay kay sarap! 

Sa wakas ay nakarating din kami sa La Ignaciana at noong naghuhubad kami sa tabi ng ilog dumaan si Fr. Selga at tinanong niya, "saan kayo nanggaling?". sabi namin, "galing kami sa paglibing ng sampung paring Vincentian". sabi ni Fr. Selga, "hindi pari silang lahat, meron ding mga brothers". ipagdasal natin sila. Nagdasal kami at pagkatapos lumundag sa ilog.




*4Y0

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento