Sabado, Hunyo 23, 2012

Sa Katapusan Ng Bagong Simula Parin

Ibinahagi ko sa mambabasa ang ilan sa mga pangyayaring sa unang apat na taon ng aking pagkaheswita. Ito ang katapusan ng unang pamamahagi. At kung ibig ng diyos ibabahagi ko pa ang ilan sa mga pangyayari sa mga karugtong na mga taon. Pero bago ko simulan ito kailangan kong magbigay ng magandang alaala ukol sa katapusan. Ayon sa kasabihan ni HUSSERL na " akoy laging nagsisimula."
Noong naging mabagsik ang labanan sa maynila nawaglit lahat ng klase. pero natapos din ang labanan at kinailangan magkaroon ng balik-aral o review upang magkaroon kami ng examination. sapagkat ang mga heswita ay dapat magbigay ng ebidensya na nagaaral sila kahit na may giyera. at natuwa kami na magkakroon kami ng mga klase ng balik aral sa pamumuno ni Horacio. Ito ay taon ng Poietike, salitang griyego. poetika sa latin. maaring isalin, " daigdig ng mga makata." Pero mas malapit sa ugat ng kahulugan ng katagang poetike na sabihin na ang poetike ay ang daigdig ng mga manggagawa. Sapagkat ang makata o poietes ay isang mangagagwa. gumagawa sya ng mga magagandang salita. Pero ang salitang maganda na tinutukoy dito ay hindi mga mistulang matutunog na salita. Sa griyego ang magandang salita ay ang salita na bumubuhay sa nakikinig ang isang malalim na karanasan sa katotohanan. Ingles at latin ang ginagamit ni Horacio pero maliwanag na, sa kanya, ang daigdig ng mga makata ay  sinasakop ang lahat ng  wika. Na ang tula ay bunga ng malalim na pagpasok, pagtanggap, at ligaya sa talagang totoo, kailangan lamang ang matinding pagkagising.Latin man o ingles ang binabasa, hindi nakukulong sa mga letra ng libro. Nabubuhay ang mga letra at mga kataga at mga berso sa galing ng pagpapamulat ni Horacio. Dahil sa kanya, ang pumapaligid sa amin na katotohanan ay aming mas matinding nagigisnan.
May nagsabi na  ang paggamit sa pilpino sa mga klase ng ateneo ay bago pero naninindigan ako na ito ay bago at luma. Luma sapagkat ang mga nagigisnan ng tao sa katotohanan ay palaging nabubuhay kaya hindi masasabi "bago" kung hindi sinasabayan ng salitang "noong araw ganyan narin" at lalong mabuti sabihin na ang malalim na katotohanan ay hindi kailangan sabihn na bago o luma sapagkat ang totoo ay palaging bago at luma. Ayon sa sinabi ni San Agustin "O pagibig palaging sinauna at palaging sariwa kay bagal kong nahanapan ka."

Ang ginawa ni Horacio na materyal para sa huling examination namin sa juniorate ay isang listahan ng mga thesis ukol sa maganda at meron batay sa libro ni Maritain ART et scholastique.  Sa kathang ito ang makata ay lumalabas na isang mangagagwa ng salitang buhay na maaring magbuhay sa mga nakikinig at tumatangkilik ng isang mas buhay na pagdanas sa katotohanan. ibig ko sabihin ay na noong akoy nagsimulang magsulat sa filipino, napansin ko, na ang mga katagang filipino ay tumatalima sa aking ballpen ayon sa parehong prinsipyo, na ang mga katagang griyego ay tumatalima sa pluma ni Demosthenes.
Noong natapos na ang examination nagkaroon ng isang surpresa ang mga superiors para sa aming mga batang heswita binigyan nila kami ng dalawang linggong bakasyon sa isang maliit na baranggay sa Pampanga. Mahabang panahon na nakatira kami sa siyudad ng maynila, at ngayon magkakaroon kami ng dalawang linggong sa isang lubusan na patag na lupain. Dumaan kami sa mga bukid at kaparangan, sa mga sapa, at sa wakas nakarating kami sa isang malawak na ilog. Tumawid kami sa ilog at nakarating kami sa dalawang bahay kubo na titirahan namin sa dalawang linggo. Ang namumuno sa unang bahay kubo ay si Fr. Priestner, at ang namumuno sa ikalawang bahay kubo ay si Fr. Coffey.  Dala-dala namin ang aming mga banig unan at kumot, palayok, kaldero, plato, kubyertos at mga libro.

Kay sarap lumakad sa kaparangan. Kahit na gano kalayo ka lumakad patag pa din ang lupa.
At syempre namamangka kami at lumalangoy sa ilog. Isang gabi may mga magsasaka na dumalaw sa amin. Alalahanin mo, mambabasa, walang kuryente noon at ang ilaw namin ay kung minsan ay kandila kung minsan ay alitaptap at kung minsan ay buwan na malabo.. May kasamang silang bata, yung bata ay may mataas na boses. Tatawagin sya ngayon na Boy Suprano pero tinatawag syang tiple noon. Kinanta niya ang "kahit na gabing madilim sa libis ng nayon" bagay na bagay ang kanta sa aming kinaroroonan tapos meron syang kinanta na ballad ukol sa mga pilipino na lumalaban sa Bataan na natatalo, pero hindi nasisiraan ng loob. Tapos, may isang kanta na martsang masigasig at may nagsabi na kanta yun ng mga HUK.

Isang araw may isang  amerikanong catholic chaplain na dumalaw samin. At sabi niya na sa kanyang bayan ang ilog ay mas malawak kaysa sa ilog ng pampanga pagkatpos ng uuwi na sya sa kanyang unit sabi niya babalik ako sa chivitas de solata, yan ang tawag nya sa Maynila :isang lungsod na tigib sa tao noong araw pero ngayon wasak na  wasak at walang katao-tao.

Isang gabi naman may ilang mga juniors na binalak magkaroon ng kwentuhan ng mga  multo. Nagtipon sila sa isang sulok ng kaparangan at tinatakot nila ang isat-isa sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga nakasisindak na kwento hangat sila'y nanginginig sa takot. Meron namang ibang mga juniors na binalak na patindihin ang takot ng mga kwentista sa pamumuno no Bro. Joe Blanco nagsuot multo sila sa pamamagitan ng mga kumot. Noong yung mga kwentista tumahak sa karinglan, sinalubong sila ng mga multo... at kay sarap ng kanilang pagloloko sa isat-isa. At nagkaroon kami ng santakrus de mayo na si Pats CEbayus ay si haring Konstantino. wala kaming reyna elena pero nagimbento kami ng isang kabalyerong tumulong kay reyna elena, ang brother na gumanap ng papel na ito ay si Bro. Eskaler.
Meron din kmaing isang peryodiko ng aming baksyon ang pangalan ay KUKAPA ang editor ay si Wado perpekto at kinuha niya ang pangalan ng peryodiko sa kasabihan pampanggo, " Kekapa." ako ay assistant editor. pagkatapos ng 2 linggo umuwi kami sa cevitas de solata 



Lahat ito ay ginagawa namin sa panahon ng taginit, pero naliligo kami sa ilog at pagkatapos umaakyat kami s pampang ng ilog tungo sa isang bomba na nagbibigay ng masarap at malamig na tubig. 

Sa buong dalawang lingo namin doon maaliwalas ang langit at hindi umulan pero gabi-gabi nauulanan kami ng kagandahan ng mga bituwin. At naaalala ko... Malagipko.. na yung sulok ng sampalok na aking kinalakhan ay wala pang kuryente ng bata ako, pero gabi-gabi tinitingala ko ang mga bituwin at tinatanong ko kay mamang, "meron bang mga bata na nakatira doon? at nagtatanong din ba sila sa kanilang nanay kung may mga batang nakatira dito sa ating bituwin?" Sa pagkat akala ko noon at inaakala ko rin ata ngayon na ang lupa ay bituwin.

Nagpaalam kami sa pampanga at bumalik kami sa Chivitas de solata upang magsimula ng  bagong yugto sa aming buhay. pero Meron kaming baon :dalawang mensahe at isang tula.

Ang unang mensahe ay galing kay Msgr. Piani : alalahanin ninyo mga bata kong kaibigan na naghahanda kayong magpari. Ang pari ay palaging tumitingin sa Diyos na nagpapaligaya sa  kanyang kabataan. 

Intro ibo ad altare Dei.
Adeum qui Laitificat juven tutem meam

Kahit na gaano katanda ang pari yan ang kanyang sinisigaw sa simula ng bawat Misa : aakyat ako sa altar ng Diyos, sa Diyos  na nagpapaligaya sa aking kabataan. Sa pagkat ang pari ay namamahagi sa hindi maaring wasakin na kabataan ng Diyos.

Ang pangalawang mensahe ay galing kay Horacio dela Costa :Hinihiling namin sa kanya na magbigay siya ng komperensiyang espiritwal. Pumayag siya. Pinaalala niya sa amin na hinaharap pa namin ang mahabang disiplina ng pag-aaral ng Heswita. Sa lahat ng mga araling ito, anuman ang magiging linya ninyo, huwag ninyong makakalimutan, aniya, na si Kristo ay nasa lahat at palagi nating kasalamuha. Sapagkat sa simula ang salita, at Diyos ang salita, at kung wala ang salita ay walang malalalang sa mga nilalang. Ang Salita ay naging laman.. si Kristo ang Salita. Siya ang kasalamuha natin sa lahat-lahat. Palagi. Pupunin niya ng isda ang ating mga lambat, kung magtitiyaga tayong magdamag.. nangingisda parin kahit na walang nahuhuli. Gagawin niyang alak ang ating tubig, kung gigiray-giray tayong manggagaling sa balon... pasan-pasan ang tapayan na hindi medyo puno, kundi tigib sa tubig. papakainin niya ang nagsisiksikang madla kung ibabahagi natin ang lahat ng kaunting meron tayo. ang ating tinapay at dalawang isda at ang tula ay ang susunod na pambungad sa metapisika :

Noong nakapasok na siya sa pintuan
yumayapak siya
sa malawak na lupain
na palayo ng palayo ang mga hangganan
sinusukuban ng langit na pataas ng pataas ang tuktok
ang mga laylaya'y palayo ng palayo
sinisikatan ng sariwang araw ang kabuoan.

 sa katapusan ng bagong simula pa rin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento