Lunes, Hulyo 9, 2012

Mga Bitin na alaala

Ang alam namin ay tapos na ang labanan. Tahimik na ang maynila, pero naririnig namin araw at gabi ang mga ligaw na putukan, at, kung minsan, hindi gaanong ligaw na putukan.Bitin ang buhay namin, at nag iwan ng mga bitin na alaala.

Naglalakad kami sa paco, mga bahay na walang laman, parang mga kalansay ng mga patay. At si brother Pat Ceballos ay napabigkas sa tula ni John Keats,

 oh maliit na lungsod,
ang iyong mga landas
ay mananatiling tahimik
magpakailanman;
at ni isang kaluluwa
ay babalik
upang ibunyag
ang sanhi
ng iyong kalungkutan.

Akala nga namin na patay na patay na ang paco; akala namin na bagay na bagay sa paco ang tula ni Keats. Pero biglang kumatok sa aming tenga ang awit ng isang piyano. Sinasabi sa amin ng distrito ng paco: hindi ako tahanan ng mga patay. buhay pa ako. Sa mga kalsada na amoy kamatayan, naririnig namin ang musika ng buhay. Lumusot kami sa taft avenue, at pumunta kami sa harapan ng PGH. may bangkay ng isang nabubulok na kabayo. at ang isa sa amin ay sinabi, "hindi mo ba napapansin na mas mabaho ang bangkay na nabubulok na tao, kaysa sa bangkay na nabubulok na kabayo?" Tugon naman ng isa, "ang tao kasi ay espirito at laman. At kung namamatay ang tao, malungkot niyang nadarama na hindi siya kumpleto. Ang amoy ng tao ay kalungkutan ng pagkawala sa pinakamamahal na buhay ng katawan " Vita Corporalis maxime dilecta.

Sa harapan ng PGH, may isang hanay ng mga sundalong amerikano na nagpapahinga sa kanilang trabaho, na tinatawag nilang paglilinis sa mga gusali. Sapagkat may mga sundalong hapon na nagtatago pa sa mga gusali; at ang tingin sa kanila ng mga amerikano, ay na sila ay dumi na dapat walisin. May isang sundalo na ipinakita sa akin ang isang sulat. Sabi niya, "ito ay sulat sa akin ng kapatid ng nanay ko. Pumunta siya sa Pilipinas noong 1898, at ang kanilang landing barges ay makinis na sumampa sa kabuhanginan ng zambales. at ako naman at ang aking mga barkada, nitong taong ng 1945, ay nakahanap ng daungan sa zambales." "nabasa ko sa peryodiko na dumaong kayo sa zambales sa pamumuno ni Admiral kinkead. Siya ba ang iyong admiral?" "oo. hindi ba kataka-taka na ang admiral na nabasa mo sa peryodiko ay siyang namumuno rin sa amin?" at tugon ko,  "Alam mo ang aking tatay at nanay ay taga zambales. At minamahal namin ang mga karagatan ng zambales."

At ngayon lumipat kami sa ateneo sa padre faura; sapagkat iyon ang layunin ng aming biyahe. Meron kaming permiso sa mga amerikano na magipon ng kahoy sa mga sirang gusali ng ateneo, upang meroon kaming magamit bilang gatong para sa pagluluto namin, at ng aming mga refugees na nasa La ignaciana. Meron din naman pinahiram sa amin na open track ang mga amerikano, Upang mapuno namin ito ng aming gatong. At noong kami'y dumarating na naglalakad galing sa PGH gustong gusto ng mga dumarating mula sa ibang direksyon iyong open track na pinapahiram sa amin.


Sa ikatlong direksyon, dumarating ang isang heswita na naka bisekleta. kinakawayan niya kami sa isang hudyat na sinasabi hintayin ninyo ako. Ibig niyang makisama sa amin, nakita niya na nahuhuli siya kaya't humiram siya ng bisikleta sa La Ignaciana at hinabol niya kami. Tamang tama siya sa trabaho na aming gagawin sa araw na iyon.  Pero ngayon, kailangan niya ang isang tao na magsasauli ng bisikleta sa La Ignaciana kaagad. "Sino ang magsasauli ng bisikleta sa La Ignaciana?" inalok ko ang aking sarili. Tinanggap ko ang bisikleta. Pumunta ako sa PGH, tinawid ko ang taft avenue. Nahirapan ako ng kaonti na mahanapan ang kalye herran, sapagkat kahit ako ay tubong maynila, wasak na wasak ang ermita at malate at hindi ko mahalata kaagad kung saan ang mga bukana ng mga kalsada. Noong kuwan, nakapasok ako sa kalye herran at nagpatakbo ako sa mga pagitan ng mga sirang tahanan. Paminsan minsan meron akong naririnig na nagpuputukan. Mga sniper ba iyon? o ano? walang panahon upang matuklasan. Basta't magpatakbo ng pinakamabilis ng kaya mo. Sa kanto ng isang wasak na kapitbahayan, may isang sundalong amerikano. Kumaway ako sa kanya. Kumaway siya sa akin. Nung kuwan nakarating na ako sa lugar na maraming ng mga tao. Nagsisismulang mabuhay na magmuli ang maynila. Pero naalala ko na nung umaga, noong palabas na kami, meron kaming nakitang bangkay sa pasig line, Pero maraming tao naglalakad, walang pumapansin sa bangkay na ito. pero ngayon mga tanghali na, nagtataka ako kung meron nag-alaga sa bangkay. Nagpabagal ako sa pasig line. Nakita ko roon ang isang sundalong hapon na nakabulagta. nakilala kong sundalong hapon siya dahil sa kaniyang mga sapatos. Pero wala siyang ibang suot maliban sa sapatos. Siya ay hubo't hubad at ang kaniyang ari ay naka tayo. May nagsabog ng lupa sa kanyang katawan. at may nagtapon ng asyeteng itim sa kaniyang mukha. Pero kitang kita mo pa ang huling damdamin niya bago siya namatay. Ang mukha niya ay mukha ng isang bata na natatakot. Kung ano man ang huling nakita niya, ito ay ikinatakot niya. At may tinig na nagsabi  sa akin, huwag mong kalilimutan na pati ang mga hapon ay mga tao, Huwag mong kalilimutan iyan kailanman. Lahat ng mga tao ay tao. 

3 komento:

  1. Fr. Ferriols, nakita ko na rin po kayo sa wakas! Maraming salamat po sa inyong mabuting pagbasbas ng biyaya. Nawa'y sa susunod ay makarinig po ako ng kwento mula sa inyo! :)

    TumugonBurahin
  2. Sir Ferriols, hindi po ba ayon sa Biblia, ang tao ay laman, espiritu, at kaluluwa (I Tes. 5:23)--hindi lang espiritu at laman?
    (I like the article po...simple, pero may dating!)

    TumugonBurahin
  3. Padre Ferriols, ako po ang apo ng pinsan niyo na si Maling. Maalala ko na kayo po ang nagsilbi ng misa noong nakasama niya ang Diyos doon sa tirahan naming twag Villa Amalia gawing Baclaran. Lumipas na ang anim na pung at isang taon at nais ko sanang maisama po kayo at pamilya niyo sa puno privado ng pamilya natin. Hindi buo ang kinalaman namin sa sanga niyo at baka makatulong po kayo. Kung nais po niyo, maabutan ako sa hpleno@gmail.com pag makahanap kayo ng libreng horas. Maraming salamat po.

    TumugonBurahin