Martes, Abril 3, 2012

PATULOY ANG PASKO

Patuloy ang Pasko 


Ang sinaunang gusali ng Ateneo Municipal de Manila ay nasa Intramuros. Nasunog ito noong 1932 at ang ateneo de manila ay lumipat sa isang katipunan ng mga gusali sa kalye Padre Faura. 

Noong 1939 inayos nila iyong mga labi ng nawasak na ateneo sa intramuros at ginawang bagong tahanan ng Ateneo Grade School. Kayat masasabi na hindi nalimutan ang sinaunang pugad ng ateneo. 

Ngayon sa Pasko ng 1941 nakasakay kami sa blue eagle bus na ang driver ay isang iskolastik na pilosopo na si brother Mike Cashman patungo sa ateneo grade school sa intramuros. Pagpasok namin sa maynila naalaala ko na nagpaalam ako sa maynila noong nakaraang mayo. Hindi ko akalain noon na ang unang pagbalik ko sa maynila ay magiging dahil sa mabagsik na pangangailangan ng giyera. Dumaan kami sa harapan ng post office at nakita namin na maraming patung patong na supot ng buhangin ( sand bags ). Pumasok kami sa intramuros at nakarating kami sa ateneo grade school na meron ding patung patong na supot ng buhangin. sa tabi ng mga sandbags may isang sundalong amerikano na nagsesentri duty tinanong sa kanya ni bro.cashman kung saan kami maaring dumaan napansin ko na nakakatuwang pakinggan silang mag salita. nagkakaintindihan sila, amerikano sa amerikano tumuloy kami sa grade school. Doon nakipagtagpo kami sa mga junior at pilosopo.

Sinabi ng junior at pilosopo na lumakad sila sa alas kuwatro ng madaling araw kasama ng mga seminarista na kumakanta ng hail san jose patungo sa bayan ng novaliches, pero di pa sila nakakarating sa bayan ng Novaliches nung dumating ang maraming trak ng Philippine Army na inalukan sila na dadalhin sila sa anumang lugar na pupuntahan nila. At kaya nga nakarating sila sa intramuros ng nakasakay sa trak ng Army. Iyong mga seminarista ay dinala din naman sa kanilang pupuntahan.

Sinabi sa amin na maaari kaming matulog sa sahig ng silid paaralan sa unang palapag. Mapanganib pa rin ang pangalawang palapag. Bago kami matulog binigyan kami ni father Cullum ng mga punto para sa pagninilay nilay namin sa kinabukasan. Ginamit niya ang Teksto ng psalmista, Quare Fremuerunt Gentes Et populi Meditatisunt Inania. Bakit umangal ang mga bayan at nagbalak ang mga bansa ng katangahan. Sabi niya "hindi natin alam kung ano ang mangyayari at nangangamba tayo para sa ating mismong buhay. Kapag naririnig natin ang ugong ng mga eroplano, mahirap makita na lahat ito ay Inania. At medyo nanginig ang boses niya. Napatawa kami. Humiga kami sa sahig. Meron akong narinig na pambihirang huni. Hawig sa huni ng tangkay ng latigo ng kutsero kapag sinayad niya sa mga ehe ng malaking gulong ng kanyang kalesa. ratatatatatatat! ratatatatatatat! Pero sino kaya ang magkakalesa habang may air raid sa hating gabi. Biglang naintindihan ko kung ano ang aking naririnig. Naalala ko na sa europa may mga bombang may sipol sa buntot at pag nahuhulog ang bomba sabay sumisipol. At ang mga tao ay nababagabag, tinatawag itong psychological warfare. Ngayon ang ginagawa sa amin ng mga hapon ay naglalagay ng ratatatatatat sa buntot ng mga bomba nila at sina-psychology kami. 

Pero kaming nasa isang silid paaralan ay may ibang problema. Si brother Lopez ay hirap na Hirap sa mga lamok. Sabi niya "itong mga lamok na ito, itong mga lamok na ito ay mas masama pa kesa sa mga eroplanong taglay ang mga bomba. Si brother Lagutin naman. may remedyo. tinanong niya "meron bang gustong gumamit ng alkohol?". 

Sumilip ako sa bintana at nakita ko na may sumulpot na apoy malapit sa aming kinaroroonan. Mamaya maya tumigil ang kanyang pagliyab at ako'y humiga na pero sa dilim tumama ang akin ang ulo ni brother Malasmas. "Ano un?" tanong niya. "ulo ko" sabi ko. 

Umaga na,  bagong liwanag bagong pag-asa ngunit ang sumalubong sa amin ay si father Mc Cullough, meron siyang bagong balita. "wala na ang Hongkong nasakop na sila ng mga hapon". Meron kaming isang Secundi na taga Hongkong si Bro.francis chan. Bigla siyang napaiyak. Walang huni ang kanyang pagtangis pero nakikita mo na mapait ang kanyang luha. 

Nakita ni brother andaya ang mga laundry bag na nakabunton sa may pintuan at malungkot niyang sinabi  ;ay inania.

Ngayon dumating sa amin ang isang bagong utos. Pumaron kayo sa ateneo sa Padre Faura. Kaya sinulong namin sa aming balikat ang aming laundry bag. ang isang pangkat ay dumaan sa harapan ng simbahan ng lourdes, maraming mga sundalo at marinong amerikano lumapit ang isa kay bro.arevalo at sinabi sa kanya "sa aming bayan ang kapatid kong bunso ay kamukhang kamukha mo".  ang aming pangkat naman ay lumabas sa isang pultahang bakal ng muralya. At nakita namin na nasa bonifacio drive kami. May malalaking puno ng palma real. Biglang dumating ang isang pulutong ng mga eroplanong hapon at parang gusto nilang i-strafe kami. Kaya dumapa kami sa silong ng palma real na alam namin na hindi makapagbibigay sa amin ng kanlungan pero wala kaming ibang mapuntahan. Ngunit umugong lamang ang mga eroplano at pagkatapos nawala. Tumayo kami at mabilis na nagsilakad lampas sa monumento ni Legazpi at Urdaneta lampas sa monumento ni jose rizal tuloy sa kalye florida tapos humantong kami sa ateneo na nasa padre faura. hanggang sa araw na iyon, ito ang kaisa isang ateneo na nakilala ko sapagkat high school lamang ang aking napagaralan sa ateneo. Pero madiin na bakas ang naiwan sa aking diwa. kahit noon masasabi ko na maari akong alisin sa ateneo pero hindi maalis ang ateneo sa akin. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento