Martes, Abril 24, 2012

Paglipat

Paglipat


Nakasimula na ang taong 1942. Nagbibigay ng mga punto sa pagninilay nilay si acting father master Fasy. Pumasok ang isang iskolastik na theologo, yumuko siya at may ibinulong kay father Fasy. Tumango ito at itinuloy ang mga punto na parang walang nangyari. Ang ibinulong sa kanya ng iskolastik ay na ang commander ng mga hapon sinisigawan ngayon si father Hurley at pinagsasasampal siya. 

Noong kinabukasan ikinuwento sa amin ni father Hurley ang nangyari. Tinawag siya ng commander at sinabi sa kanya na utos ng japanese imperial army na ibigay sa kanya ang lupa at mga gusali ng ateneo. Ang sagot niya ay na ang Santa sede sa roma ang may hawak sa lupa at gusali ng ateneo. At wala siyang tungkulin na ibigay ito sa japanese imperial army. Ngayon nakita ni father Hurley na galit na galit ang commander at nangangamba siya na baka may gagawin sa kanya na makababasag sa kanyang salamin kaya't inalis niya ang salamin bilang prokteksyon nito. Akala yata ng commander na ang pagalis ng salamin ay isang paghamon sa labanan.Sinimulang niyang sampalin si father Hurley.

Noong kinukwento sa amin ni father Hurley ang nangyari sinabi niya na hindi niya itinaas ang kanyang kamay bilang pagdepensa sa kanyang sarili pero kanyang itinaas taas ang kanyang mga balikat upang makasangga sa mga sampal kahit kaonti lamang. pero paulit-ulit na sinasabi niya na wala siyang authoridad na ibigay ang ateneo sa imperial army at paulit-ulit na sinabi niya na ang ginagawa ng commander ay labag sa international law.

Ito ay isa lamang insidente sa mahabang panahon na pagtatangka ng Japanese imperial army na kunin ang ateneo. At palaging hinaharap  ni father Hurley ang kanilang mabagsik na karahasan sa isang banayag at matibay na paninindgan sa kaayusan ng batas. At nakakahanga na dahil dito nagkaroon kami ng ilang mga buwan na isang uri ng katahimikan. Kung sinasabi ko na isang uri, ako ay gumagamit ng ironia. At noong dumating ang Hunyo 1943, basta sinabi sa amin ng Japanese imperial army na meron silang awtoridad na angkinin ang ateneo. Gagamitin nila ang principal na gusali pero hindi nila gagamitin ang mga bungalow na kinaroroonan ng mga laboratoryo, at hindi rin nila gagamitin  ang magandang auditorium na malaon ng ginagamit ng mga heswita bilang kapilya. Kaya't ang mga komunidad na tinipon ng giyera ay ikinalat muli ng giyera. Ang mag iskolastik na theologo, tinanggap ng mga pari na vincentian sa kanilang seminaryo sa kalye San Marcelino. Meron namang mga theologo na tinanggap ng mga paring Agustino sa kanilang kumbento sa Intramuros. Ang mga seminarista ng San Jose Seminary ay nakahanap ng kanya kanyang titirahan habang umiiral ang giyera. Ang mga Heswitang Pilosopo ay gumawa ng kanilang sariling tahanan sa mga bungalow ng ateneo at patuloy nilang ginamit ang auditorium bilang kapilya. Ang mga nobisyo at mga juniors ay magkasamang lumipat sa La Ignaciana. Ito ay retreat house na ngayo'y naging nobisyado at juniorate. At kaming mga pumasok noong may 1941, ngayon na July 1943 ay sinimulan at pinatuloy ang aming juniorate sa La Ignaciana. Ito ay isang magandang gusali. Sa harapan niya ay ang kalsadang kalye herran, sa likod ay ang ilog pasig. Lahat ito ay nasa distrito ng Sta. Ana Maynila. 

Ngayon ipakikilala ko ang ilan sa aming mga guro sa juniorate. 

Si Joseph A. Mulry SJ ay isang mahabang panahon na teacher ng humanities sa Ateneo de Manila at itinuring kong isang pribilehiyo na maging estudyante niya sapagkat marami akong naririnig ukol sa kanyang trabaho para sa Social Justice. Madalas siyang pumupunta sa baryo kasama ng ilang mga estudyante na nagbibigay ng mga Conferencial ukol sa mga prinsipyo ni Pope Leo XIII rerum novarum at ni Pope Pius XI Quadragesimo Anno. Kung minsan gabi na kung siya bumalik galing sa baryo may mga kuwento ukol sa kanya at ang kanyang pagsagot sa mga manunuya. Isang gabi sinabi ng isang manunuya, nagpapanggap kayong Kristiyano, pero tingnan ninyo iyong matabang pari dyan, naninigarilyo siya, si kristo ay hindi naninigarilyo tugon ni father Mulry ,"Kung may sigarilyo noong panahon niya, tiyak naninigarilyo din siya". 

Kaming mga batang High school, masaya naming hinihintay ang pagdaan niya sapagkat hinahalungkat niya ang aming buhok.  Kung may pumada itinuturo niya ang kanyang hinlalaki sa lupa kung walang pumada itinuturo niya ang kanyang hinalalaki sa langit.

Kung ilalarawan ko siya bilang isang guro ng panitikan, ang unang makakatawag sa aking pansin ay marunong siyang magbasa. Binibigkas niya ang bawat kataga at tinitipon niya ang mga saknong na dapat itipon. Walang matunog na pagtaas ng boses ni nakakagulat na intonasyon. Lahat ay simple. Pero meron kang nararanasan na pakikipagtagpo sa mga taong buhay. Sa kanyang pagturo ang paguulit ay hindi nakakabagot. Ang karamihan sa amin ay napagaralan na ang macbeth at hamlet sa high school. Pero kung binasa sa iyo ni father mulry ay palaging bago. At naniniwala siya na  kailangan na may mga kayamanan ng panitikan na nakaimpok sa iyong alaala. Halimbawa ang climax ng kurso sa raetorica latina ay na bigkasin mo mula sa iyong alaala ang buong oratio na Pro Marcello. Papasok ka sa kanyang  kuwarto sasabihin mo, handa na po ako sa Pro Marcello. itututro niya ang silyang uupuan mo. Kukuha ng libro. Uupo siya. Bubuksan niya ang libro at magsisimula ka. " Diuturni silentii, patres conscripti, Quo ego eram his, temporibius usus". Hindi siya tumitingin sa iyo. Tumintingin lamang siya sa libro, minomonitor niya ag iyong alaala. Hindi ka tumitingin sa libro tumitingin ka lamang sa kanyang mukha. At kung sabihin niya sa katapusan na nagkaroon ka ng tatlong paltos pero maayos ang iyong pagtitipon sa mga kataga, ay masaya kana. 

Kung may nagtanong sa akin, ano bang natutunan mo kay father mulry ang sagot ko ay "minulat niya ako sa katotohanan na kaya kong magisip. At kaya kong pamulatan ang mga ibang tao na kaya nilang magisip. Kung may bagay na nakalilito kay father mulry, ang unang bagay na kanyang ginagawa ay tingnan ang bagay na nakalilito, tingnan ng masusi, tingnan uli. At kapag ibinahagi niya ang kanyang mga naunawaan, nadarama mo na kanyang pinaguusapan ang mga nakita niya at nakikita pa at nauudyukan ka rin na tumingin. Ang daigdig ng pagiisip ay  hindi daigdig ng paligsahan. Hindi isang paghahanap sa kung sino sa atin ang mas magaling magisip. Ang hinahanap ng tunay na pagiisip ay ang katotohanan . Ang daigdig ng pagiisip ay isang malawak at malalim na larangan na pinaglalakbayan ng mga taong naghahanap. Ang mga taong ito ay naghahanap sapagkat nakatuklas na sila; At alam nilang nakatuklas na sila sapagkat naghahanap pa sila. 







1 komento:

  1. Father Roque,

    Maraming salamat po! Ako'y labis na nasiyahan ng makitang may bagong kwento rito. :) Sa sobrang saya ko ay sobrang bilis ko rin yata nabasa ang inyong kwento. Salamat po muli! At sa mga susunod pa. :)

    TumugonBurahin