Lunes, Mayo 7, 2012

Sinaunang Griyego

Sinaunang Griyego

Isang bagong karanasan ng mga pumapasok sa kapisanan ni Jesus sa panahong yaon ay ang pakikipagsagupa sa isang nakakalitong wika: ang sinaunang griyego. Sinasabi kong pakikipagsagupa sapagkat nahirapan akong matutong pagaralan araw- araw ang isang wika na ibang iba sa aking mga narinig o nagamit hanggang sa panahong iyon. Aaminin ko na nakasisiyang matutunan ang mga titik ng griyego, malaman na ang mga magagandang hugis na nakikita mo ay may katumbas na salita ay nakakaakit. Pero may gramatika ang wikang ito  na napaka salimuot at nagtataka ako kung totoo nga na may mga taong nagsalita ng wikang ito. Sapagkat ako ay bata at tanga, palagi kong ibinabahagi sa aking mga kababata ang aking mga karaingan. At sapagkat ang aking mga kababata ay palabiro, palagi nilang sinasabi na si ferriols ay ubod ang pagmamahal sa wikang griyego. At kaya nga kung may teksto na mahirap ay palaging tinatalaga sa akin ng aming guro na si father joseph kerr na aking pagaralan at ipaliwanag sa aking mga kababata. at ang kinalabasan ay na napamahal sa akin at minamahal ko hanggang ngayon ang sinaunang griyego. 

Mahalaga ang gramatika para kay father Kerr, sa simula itatalaga niya sa amin na pagaralan namin ang sampung saknong, susunod na araw, labing lima, at sa susunod na araw dalawampu at palaging may dagdag sa balang araw. At kailangan naming maipaliwanag ang gramatika ng bawat kataga, halimbawa, kung ang kataga ay kainou kailangan mong sabihing Noun, genetive singular neuter agreement with pragmatos kainos, kaine, kainon. Kung ang kataga naman ay legein kailangan mong sabihing verb, present infinitive active lego ktl. At maari mong sabihin na ito ay malupit at pambihirang parusa ( cruel and unusal punishment)  Pero natuklasan ko na itong napakatinding pagatupag sa gramatika ay nagpapalitaw  sa genius ng wikang griyego at ito ay nagiging buhay at maganda. Kailangan mo lamang tiisin ang mga unang hakbang. Ika nga nila sa bawat gawain pati sa pagaral sa anumang wika, kelangan mong magtiyaga hanggat matawid mo ang tulay ng mga asno ang pons asinorun. Sa simula ng gawain ang bawat tao ay isang asno, isang hayop na may mahahabang tenga. Kung magtitiyaga siya araw araw, makakarating siya sa isang tulay na mahirap at nakakatakot tawirin.Ito ang pons asinorun. Kung lakas loob niyang tatawirin ang tulay hakbang sunod sa hakbang araw araw, at kung meron siyang tukso na ihinto ang paghahakbang pero siya ay hindi huminto at tigas ulong nagpatuloy, mahuhulog ang mga tenga sa kanyang ulo at magugulat siya na siya pala ay naging tao na. Sa pons asinorun ng gramatika ni father kerr nahulog ang aking mga tenga at nagulat ako na ako ay tao na pala na natutong magmahal sa sinaunang griyego. 

Hanggang ngayon pinapansin ko ang kulay ng mga bagay  oinopa ponton (kulay alat na laot), pansinin ang detalye ng kanilang lugar sa daigdig dolizhoskion egkos (ang sibat na may mahabang anino); Natuto akong humubog ng mga pangungusap na may tamang ritmo at compass upang maibunyag ko ang gusto kong ipaunawa sa mga nakikinig sa akin. Lahat ito ay natutunan ko sa mga sinaunang griyego. Para sa lahat ito, ako ay nagpapasalamat kay father joseph kerr. Sapagkat upang maudyukan niya kami sa pagtawid sa pons asinorun, kinailangan niya na siya mismo ay itulak ang kanyang sarili sa paglalahad sa mga detalye ng gramatikang griyego. Pero ang gramatika ay hindi isang pampahirap sa pagaaral sa wika. Matutuklasan mo na kung natuto kang mangilatis sa gramatika ng isang pangungusap, mararanasan mo na ang kataga ng isang banyagang wika ay maayos na nagpapakilala sayo at ngpapakita ng kanilang kagandahan. Kaya't salamat kay father Kerr kung hindi niya pinilit na matuto ako ng gramatika  hindi pa sana ako nakakatawid sa pons asinorun hanggang ngayon. 

Mga 1957 nung huli kong  nakausap si father kerr. Nasa fordhom kami noon, tinanong niya sa akin kung ano ang aking pinagaaralan, sabi ko pinaaaral nila ako ng pilosopiya. Sabi niya, sinasayang nila ang isang classical scholar dapat ka sanang pinaaral ng classic. Pero sinasabi ko sa kanya ngayon, hindi nasayang ang iyong pagturo sa akin ng sinaunang griyego. Dahil sa pagturo mo nabasa ko si platon sa griyego at marami pang iba na mga kathang griyego na wala sa reading list na nabasa ko at nagbigay ligaya sa akin. Kung hindi dahil sa klase mo na itinuturo mo sa amin habang tumatahak tayo sa mapait na landas ng giyera, nakulangan sana ng pagtaka at pagtuklas ang aking buhay kaya maraming salamat sa iyo.

At ngayon ibabahagi ko ang ilang pagsalin mula kay Sapho.

           

             Noong lumiwanag ang mukha ng buwan, itinago ng mga                                   bituin ang kanilang sinag at naging pilak ang lupa. 


             Bituin sa agaw dilim, iniipon ang mga ikinalat ng madaling araw. Umuuwi ang mga tupa, umuuwi ang mga kambing, umuuwi ang mga bata kay nanay.

Paalam ni Hector;

                  At si maluwalhating Hektor iniunat ang kamay sa bata, ang batang umiiyak at paurong  na sumasandal sa kandungan ng alilang maganda ang baywang. Gulat na napagmasdan ang anyo ng ginigiliw na ama, natakot sa buntot ng kabayo na nakakabit sa bronseng putong, nakasisindak na papalong-palong sa tuktok, napatawa  ang ginigiliw na ama at ang ginigiliw na ina.

                  Biglang naghubad ng ulo si maluwalhating hector at sa lupa nilapag ang kumkintab  na putong. Noong kuway hinalik ang ginigiliw na anak hinagis, sinalo.

                   At nananalangin kay Zeus  at mga ibang dyos "Zeus at kayong mga dyos, idulot ninyo na anak koy maging kagaya ko ang pinakabantog sa mga Trooi, mabangis, mabait at makapangyarihang humahari sa Ilios. naway sabihin nila: "Daig nitong di hamak ang kanyang ama!" kapag syay umuuwi sa labanan, dala dala ang madugong baluti ng pinatay na marahas na kaaway, anong ligaya loob ng ina!"

Nang masabi niya itoy ibinigay ang anak sa kamay ng ginigiliw na asawa, tinanggap naman nito sa kanyang mabangong kandungan, lumuluha, tumatawa. Tumingin ang lalaki  sa kanyang kabiyak at naawa, hinaplos ang kamay, tinawag ng pangalan at nagsalita:" huwag sana malabis, mahal, ang lungkot ng inyong kalooban, walang lalaking makakahagis sa akin sa Aides kung hindi pa nakatakda kung naitadhana na wala namang lalaking makatakas hindi masama... hindi mabuti... yayamang nangyari na ang mga nangyari..

Kayat umuwi ka na at magpakaabala sa iyong gawain: magsulid at maghabi, mamahala sa mga katulong, pangasiwaan ang tahanan, problema ng lalaki ang labanan akin, lalo na... itong mga sumapit na Ilios"

huminto ang tinig ni maluwalhating hektor at pinulot niya ang puotng na may balahibong kabayo umuwi ang kanayang ginigiliw na asawa, lilingon-lingon, umaagos ang luha

At ito naman si Diotima nakikiusap kay Sokrates.

                 Sinauna at palaging meron. Hindi isinisilang hindi nawawasak; hindi tumutubo, hindi naglalaho,; hindi naman may pagkamaganda, habang may pagka pangit; hindi kung minsan meron, kung minsan wala, hindi hilig ngayon sa maganda, hilig mamaya sa pangit; hindi maganda sa isang lugar, pangit sa ibang lugar, hindi maganda kay kuwan, habang pangit kay kuwan. Hindi mailalarawan ang maganda na parang mukha o parang kamay; hindi namamahagi sa anomang nasa katawan . Hindi anomang salita o paguunawa. Hindi bumabatay sa isang ano-kaya na hindi siya, gaya ng nasa linalang na buhay o nasa lupa o nasa langit o nasa anoman; ngunit "ito", tangi sa pagka- "ito", walang halong di "ito", likas na bukod tangi, meron na meron.Lahat ng ibang magaganda'y bumabahagi sa "ito" sa ganitong paraan : na sila'y isinisilang at nawawasak. Iba "ito" hindi mapupuno, hindi mababawasan; hindi maano.

              Nasa gitna ako ngayon ng aming pagaral sa poesiya at hetorika. Ito ang tinatawag na junoirate nung panahon namin. At naisipan kong ilagay dito ang kaisa isang tula na nahubog ko sa dalawang taon ng junoirate. Palaging inaakala ko na meron akong isang tula na nakatago sa aking puso at utak pero hindi ko mapalitaw litaw pero isang araw natauhan ako na may ilang saknong na nahubog ko at itinipon ko upang gumawa sila ng--- nagulat ako!---Isang Tula! Hindi ko alam kung totoo ito. Pero anuman ang masasabi ukol sa nasulat ko, natuwa akong lubusan nung binasa ko. Sana matuwa ka rin habang binabasa mo. 


                                     Boyhood    

Mostly
It was a time of quietness
When contours of uneven fields and craggy pebbles
Were sacred secrets. 
And bamboos crackling in the wind
Would strike the ear Like fragments of a startled song.


Sometimes
there was aloness
And hurts in the soul
Like edges of a broken bottle
Prodding harshly into the inner bloodstream

But there was peace on roof taps
When dry monsoons blew in from china. 
Blessing the air with delirious chill,
Peace like rain washed sunshine
Peace like an acasia opening each leaves in the red air of sunrise. 
For the core of me 
Was listening to tip toed winds
And to the silent laughter that shakes the stars. 

     






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento